Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 33)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-33 labas)

FOR the first time ay nagtapat ng feelings kay Princess si Mik. Nagulat man ay sinabi ng dalaga na proud siya rito bilang kaibigan. Ayon sa binata ay hindi lang bilang magkaibigan ang gusto nito na maging status nila.

Nanuyo ang lalamunan ni Princess sa mga naririnig kay Mik.

Siguro kung hindi niya nakilala si Smash, magiging magaan sa kanya ang lahat. Okey, feel din naman niya noon si Mik pero hindi niya talaga maramdaman na ito na ang “the one” kaya kahit nawawala ito pag may out-of-town work ay hindi niya nami-miss. May kaunti siyang kilig dito, pero hindi gaya ng nararamdaman niya kay Smash na tuwing makikita niya ay hindi mae-explain ng Google ang kanyang excitement.

Pilit niyang ginawang kaswal at light ang sitwasyon. “Oy, Mik... masyado kang emoterong palaka,” biro niya rito. “Ngayon mo pa ako naisipang i-goodtime kung kailan ang sarap-sarap ng meryenda.”

“Seryoso ako, Princess. Since matagal na rin naman tayong nagkakasama, ano ba ang chance ko kung sakali?” Tumingin ito sa kanya na naghihintay ng positibong sagot.

Napasandal siya sa upuan at iniunat sa table ang kamay na may hawak sa baso ng softdrinks. Nilaru-laro niya ang baso.

Hinawakan siya ni Mik sa kamay. “Puwedeng tayong dalawa na?”

Lalo siyang pinagpawisan kahit malamig sa puwesto nila. Ano ba ito, tanong niya sa isip.

Binawi niya ang kamay kapagkuwan. Matagal siyang nag-isip.

Bumulong uli si Mik. “Okey sa ‘yo kung tayo na?”

Napayuko siya. “Sorry, Mik. Sorry...” Iyon na lang ang nasabi niya.

Si Mik naman ang napasandal sa silya. Sobrang lungkot nito sa naging response niya.

Matagal sila sa ganoong ayos. Parang may nagdaang anghel sa sobrang tahimik nila. Maya-maya ay nag-inat si Mik. “Uy, tapusin na natin ang pagkain. Baka hinahanap ka na ni Aling Zeny.”

Ngumiti siya at nagsimulang kumain muli. Pinakikiramdaman niya ang binata. Alam niyang affected ito kahit pilit ginagawang masaya ang sitwasyon.

Nang matapos silang kumain ay nagyaya na itong umuwi. Tahimik sila hanggang makarating sa kanilang bahay. Pagbaba niya sa scooter ay sinuntok niya ito nang mahina sa dibdib.

“Bakla, okey ka lang, ha?” nginitian niya ito. “Huwag masyadong seryoso, sayang ang pagiging guwapo.”

Pinisil siya nito sa pisngi. Hindi sumagot. At umalis na.

Kahit paano, nalungkot siya sa sitwasyon nila ni Mik. Ang konsolasyon na lang niya, malinaw na ngayon kung ano ang real score sa pagitan nila. Naipagpag na rin niya ang emotional baggage na gumugulo sa kanya. Ngayon alam na niyang hanggang friendship lang talaga ang maio-offer niya kay Mik.

Pumasok na siya sa kanilang bahay. Sa kanyang kuwarto ay sinimulan na niyang gawin ang surprise niya para kay Smash.

Ilang araw na nawala si Smash dahil meron lang daw itong inaasikasong importanteng bagay. Lagi namang nagte-text sa kanya at nangungumusta. Okey na rin sa kanya ang ganoon para hindi siya naaabala sa kanyang mga raket—at para hindi masyadong makahalata sa kanya ang ina.

Tinitiyak niyang lagi siyang may load para nakaka-reply kay Smash. Pero pag nagpapalitan na sila ng text messages at nag-send na ito ng “I miss you”—stop na siyang mag-reply. Baka kasi ang mai-send niya ay “I miss you, too.”

Pero ang mensaheng iyon ang laging nagkukumpleto ng araw niya kahit hindi niya ito nakikita. At aminado siya sa sariling hindi lang niya basta nami-miss ito. Miss na miss na...

Masigla niyang tinapos ang ginagawang sorpresa para kay Smash.

 

SUBAYBAYAN!