Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 34)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-34 na labas)

BIGGEST break para kay Smash ang niluluto ng talent agency kung saan siya nakakuwadra. Mag-a-audition siya sa isang reality cum talent search, ang “Pinoy Hotties”. Ayon sa kanyang manager, gagawin ng kanilang agency ang lahat para makasama siya sa nasabing search.

“You have the qualifications, Smash,” anang kanyang manager habang nag-uusap sila sa isang tea house. “Guwapo, hunk, well-educated, galing sa magandang pamilya and at the same time ay CPA board passer. Kaya give your best sa audition.”

“Ang problema ay wala akong masyadong talent. Baka pakantahin ako or pasayawin,” kabadong reaksyon niya.

“Wala ka namang stage fright. Ipapa-crash course ka namin sa singing. Kahit tatlong kanta lang ang baon mo sa audition ay puwede na.”

Na-excite si Smash. Matagal na niyang hinihintay ang ganitong pagkakataon. He’s running out of time. Ang usapan nila ng kanyang parents, pag 24 years old na siya at wala pa ring nangyayari sa kanyang modeling career, nangako siyang aasikasuhin na ang pagtulong sa kanilang business.

“So, medyo magpakapal ka pa ng konting masel. Magbuhat-buhat ka pag may time. Well-toned naman ang katawan mo pero mas attractive sa mga babae at gays kung medyo mas taong bato ka pa,” payo ng kanyang manager.

“I’ll do that,” pangako niya rito.

Nang maghiwalay sila ng manager ay naisipan niyang dalawin si Princess. Pag nakapasok siya sa talent search, matatagalan na bago sila magkitang muli. Baka maunahan pa siya ni Mik dito.

Nag-text siya sa dalaga na dadalawin niya ito. Ang reply ni Princess: “Narito si Inay, he-he.”

Medyo kinabahan si Smash, pero kailangan niyang malampasan ang ganitong stage na intimidated siya ng nanay ng dalaga. Naisip niya, para itong si Mommy Divine na sobrang higpit sa Pop Princess na si Sarah Geronimo.

Sabagay, pagbibigay-katwiran na rin niya sa ginagawi ni Aling Zeny. Kung kasingganda ni Princess ang anak, dapat talagang ingatan. Bumili siya ng cake bilang pasalubong sa matandang babae. Kung kinakailangan niyang maglangis dito, why not? He’ll do everything for Princess.

Suki na niya ang tanod na laging nagbabantay sa kotse niya sa barangay hall. As usual ay inabutan niya ito ng one hundred pesos. At least, alam niyang safe ang kanyang sasakyan. Ayaw nga lang niya ang pagiging intrimitido nito.

“Syota na ba, bosing?” usisa nito sa kanya. “Sumuko na ba ang Bataan ng prinsesa?”

Gusto niyang bigyan ito ng sucker punch pero nagpigil siya. Para matigil na ang pangungulit nito ay binigyan niya ng ultimatum.

“Manong, ayoko na ng ganyang joke. E, lagi rin lang namang ‘yan ang joke mo, hindi na ako natatawa. Next time pag nag-joke ka pa, hindi na ako rito magpa-park.”

Biglang umamo ang tanod at minasahe siya sa likod. “Sori, bosing. Pasensya ka na. Gusto mong punasan ko muna ang kotse mo?”

“Huwag na. Bantayan mo na lang.”

Napatingin ito sa cake na dala niya. “Mukhang masarap ‘yang dala mo, bosing. Puwede bang makitikim?”

Naiiling na iniwan na lang niya ito.

Nanonood ng TV ang mag-anak nang dumating siya. Nag-hello po siya, in general, sa mga ito. Agad tumayo si Princess nang makita siya.

“Pasok ka,” excited na anyaya nito sa kanya.

Napatingin si Smash kay Aling Zeny. Nakasimangot ang matandang babae.

 

SUBAYBAYAN!