Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 36)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-36 na labas)

NAGULAT si Smash nang sabihin dito ni Princess na may kasalanan ito sa dalaga.

“Ano iyon? Bukod sa pagdidikit ko ng photo ko sa notebook mo ay wala na akong alam na nagawang mali,” pagtataka ng binata.

“Hindi mo sinabing CPA ka na pala. At isang commercial model,” umingos si Princess. pairap na nag-sip ng Tapioca.

Ang kyut ng pagkakangiti sa kanya ni Smash. “Online stalker ako, ha? E, pareho lang naman pala tayo! Nag-i-stalk ka rin naman pala sa akin, eh!”

Nagkatawanan sila.

Kapagkuwa’y sumeryoso si Smash. “Sorry, pero di ko naman kailangang sabihin pa ‘yun. Ayoko kasing magkaroon ka ng impresyon na ang yabang ko. Saka later on naman malalaman mo rin ang mga iyon kaya hindi kailangang i-brag.”

Malayo ang isinagot niya sa sinabi nito. “E, di ang dami mo ring kilalang magagandang models.”

“Oo...”

“May type ka ba sa kanila?”

“Eye candies. Alam mo ‘yun? Maganda sa mata, masarap tingnan.”

“May girlfriend ka na ba?”

“Dati. Sa ngayon wala.”

“May nililigawan ka?”

“Meron...”

Bahagyang kumirot ang puso ni Princess. Gusto rin niyang magalit. May nililigawan pala, e, bakit pa siya isinasama nito sa mall? Ano ang gusto nitong palabasin, ang paasahin siya? Naghalo ang selos at inis sa dibdib niya.

“M-model din?” masakit sa puso na tanong niya sa binata.

“Hindi...” tumitig ito sa kanya at bumulong. “Raketera. At kasama ko ngayon.”

Nagulat si Princess sa sinabi ni Smash. Parang makukulit na tutang naghahabulan ang naging tibok ng kanyang puso. Nasabi ni Smash ang nasa damdamin nito sa kakaibang paraan at hindi niya inaasahan. Nanginig ang mga kamay niya pero nagawa niyang i-compose ang sarili.

“Kung joke ‘yun, first time kong hindi natawa,” aniyang parang naghahabol ng hininga sa tension.

“Seryoso ‘yun. Kaya nga kahit takot ako sa ermats mo, sige lang. Kahit pa anong hirap ang pagdaanan ko sa kanya maging tayo lang, game ako.”

Naibaba niya sa table ang baso ng Tapioca. “Grabe ka, Smash, ha? Ano ka ba? Iilang araw pa lang tayong magkakilala kung anu-ano na ang sinasabi mo.”

“Ganoon naman pag talagang meant for each other. Wala sa tagal ng pagkikilala. Nasa nararamdaman.”

“Sanay na sanay kang mambola,” pilit niyang panonopla rito. “Siguro ang dami mo nang pinaiyak na babae.”

Iba ang naging sagot ng binata. “Alam ko naman ang responsibilities mo sa pamilya mo. Di ako magiging hindrance. Ituloy mo lang ‘yan. Pero hayaan mo rin akong malaman mo na gusto kita. I like you. I love you, Princess.”

Ay, lalo siyang natulala!

Hindi siya kumibo. Musika ang huling sinambit nito. I love you, Princess. Ilang beses na nag-ring iyon sa tainga niya.

Matagal siyang natahimik. Maya-maya ay pinisil ni Smash ang kamay niya. “I love you, Princess. I’ll always be here for you.”

Nakakailang “OMG!” na siya sa sarili. Pakiramdam ba niya ay hindi nangyayari ang mga sandaling ito. Pero nang lihim niyang kurutin ang sarili ay gising naman siya at heto sila ni Smash sa isang romantic ambiance, magkasama at totoong naririnig niya ang mga sinasabi nito.

Iniwasan niyang masukol siya ng binata. Conservative pa rin naman siya kahit paano. Okey lang sa kanya ang date, gaya ng pagyayaya sa kanya ni Mik, pero hindi naman niya ganoon kabilis isasanla ang kanyang puso.

“Lakad-lakad muna tayo,” yaya niya kay Smash. “Ubos na rin naman ang iniinom natin.” Tumayo na siya at naunang naglakad.

Sumunod sa kanya si Smash. Paminsan-minsan ay humihinto sila sa mga naka-display na paninda lalo na sa mga T-shirts na pinag-aaralan niya ang artwork design. Mahaba na ang kanilang nalalakad nang may mapansin si Princess.

Magka-holding hands na pala sila ni Smash!

 

SUBAYBAYAN!