Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 37)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-37 labas)

HABANG naglalakad-lakad sila sa mall at nagwi-window shopping ay nagulat na lang si Princess nang ma-realize na magka-holding hands na pala sila ni Smash. At wala naman siyang balak na alisin pa ang kamay sa pagkakahawak nito!

 Parang ewan lang sila sa paglalakad sa loob ng mall na magka-holding hands. Kung minsan ay may inie-explain sa kanya si Smash pag may nadadaanan silang puwesto na may kakatwang tinda. Obviously ay ang dami nitong alam. Siya naman, taga-absorb lang. Oo nga at tango lang.

“Gutom na ako,” kapagkuwa’y sabi ni Smash. “Kain na tayo para maihatid ka na kita. Saka para hindi ako ma-bad shot sa nanay mo at payagan ako na mayaya uli kita.”

Sa isang pizza parlor sila pumasok. Medyo busog pa siya sa Tapioca kaya spaghetti lang, mojos and softdrinks ang kanyang inorder. Ganoon na rin ang kay Smash.

Kung anu-ano ang pinagkukuwentuhan nila habang kumakain. Mga throwbacks. Si Smash ang palatanong. Mukhang ang dami nitong gustong malaman sa kanya from her childhood, high school life at bilang—ayon nga rito—ay isang very talented and enterprising young woman.

“May suggestion lang ako sa mga accessories mo,” si Smash.

“Ano?”

“Dapat may branding...”

“Ano ‘yun?”

“Di ba may plastic na pinaglalagyan ng ginawa mong charms, earrings or bracelets? Sa halip na plastic lang, maggawa ka ng parang label. Tapos i-print mo sa papel. Pag inilagay mo na ‘yung accessories sa plastic, lagyan mo rin ng label para mas may dating. Isip ka na nga lang ng label para sa branding.”

“Oo nga, ano?” natuwa siya sa suhestyon nito. “Hindi ko naisip ‘yan. Iba talaga pag business graduate, mahusay sa marketing. Ano kaya ang magandang label?”

“Why not ‘Prinsesa Aksesorya’? Masang-masa na ang dating, alam agad ng bibili kung ano ‘yung product.”

Tinapik niya ito sa balikat. “Husay mo talaga. Okey, gets! May idea na ako.”

Maya-maya ay na-curious si Smash sa comics doodle ng tila magsyota sa paper placemat na pinagpapatungan ng mga lagayan ng kanilang pagkain.

“Mahusay ang artworks,” puri nito. “Pero kayang-kaya mo rin ‘yan.”

Tiningnan ni Princess ang papel. Maganda nga ang drowing ng advertisement. “Hindi ko kaya ‘yan. Marami pa akong kakaining bigas. Pero thank you sa mga gifts mo lalo na sa mga art books, ang dami kong natututunan.”

“Kunwari gawa tayo ng komiks,” suhestyon ng binata.

Kumuha ng ballpen si Smash. Naglagay ito ng dialogue balloon sa tapat ng lalaki sa drawing. Ang inilagay nitong dialogue: “Mahal na prinsesa, puwede ko po bang isanla sa iyo ang puso ko?”

Ipinabasa nito iyon sa kanya. Natawa si Princess. Siya naman ang naglagay ng dialogue balloon sa tapat ng babae sa drawing: “Magkano mo isasanla? Poor lang ang prinsesang katabi mo.”
Dialogue ng karakter ni Smash: “Kahit magkano. Basta nakasanla sa ‘yo...”

Natatawang nagsulat uli siya ng sagot dito: “E, hanggang kailan mo naman isasanla?”

Sagot ni Smash sa tapat ng mga dialogue balloon nito: “Forever...”

Ay, wala nang naisagot si Princess!

Muli ay parang may nagdaang anghel sa pagitan nila. Nakayuko si Princess. Kumbaga sa isang play ng basketball ay nabasa ng kalaban ang kanyang opensa at depensa kaya hindi na niya alam kung paano lalabas sa zone nito.

At nate-tense siya sa pupuntahan ng kanilang comics story.

 

SUBAYBAYAN!