Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 38)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-38 labas)

NASUKOL si Princess nang habang kunwari ay gunagawa sila ni Smash ng komiks gamit ang paper placemat ay sinabi ng karakter nito na gusto nitong isanla ang puso sa kanya kahit sa habampanahon.

Wala na siyang naisulat na dialogue sa kanyang karakter. Napayuko si Princess.

Itinupi ni Smash ang papel at inilagay sa wallet. Bahagya itong dumikit sa kanya. Agad bumilis ang tibok ng puso ni Princess. Ang malapad na dibdib ng binata ay nakadikit na sa balikat niya. Langhap na langhap niya ang ang mabangong samyo nito.

Binulungan niya ito. “Masyado ka namang makadikit.”

“Malamig, eh,” ngumiti ito. “So, from this day on to eternity, nakasanla na sa iyo ang puso ko?”

Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Bakit, sumagot na ba ako? Hindi pa, di ba?”

“Kaya nga kailangang malaman ko na ang sagot mo. Tutal obvious naman sa iyo na mahal kita.”

Mahal kita...

Ganoon pala iyon. Kapag sa lalaking mahal mo rin nagmula ang mga salitang “Mahal kita...” totoo nga ang nababasa niya noon sa mga romance pocketbooks na nagkukulay rosas ang paligid, at parang may mga tweety birds na nagkakantahan.

Nanlaki muli ang mga mata niya nang akbayan na siya ni Smash. Masuyong akbay, may respeto at pagmamahal.

Gusto niyang manginig. Parang yakap na siya nito. First time niyang makulong ng ganoon sa braso ng isang lalaki na attracted din siya at may feelings.

“Smash...” bulong niya.

“I need your answer now, Princess,” bulong din nito.

“Ayokong magmukhang cheap. Hindi ako basta-basta napapasagot. Hindi pa ako nagka-BF kahit kailan. Hindi mo ako makukuha sa pilitan. Hindi ako cheap na babae.”

“Never akong nag-isip na ganyan ka. You’re so precious like a gem.”

“Hindi ako bagay sa ‘yo, alam mo ‘yun.”

“We’re meant for each other, Princess. Kaya ka nga nagkamaling sumakay sa akin ay dahil ‘yun ang way ng God para magkakilala tayo. Eveything happens for a reason. Sadya tayong nagkita dahil tayong dalawa. Destiny ang naging dahilan kaya magkasama tayo ngayon.”

Wala na siyang nasabi. Sa isip niya ay suportado niya ang sinabi nito. Nagkita at nagkakilala sila sa isang kakatwang sitwasyon—at baka nga iyon ang design ng Maykapal para mabuo sa kanila ang isang love story.

Inulit niya ang pinangangambahan kanina pa. “Baka magmukha akong cheap sa tingin mo. Kailan lang tayo nagkakilala...”

Pinisil ni Smash ang kamay niya. “Wala sa tagal ng pagkikilala ang true love, Princess. Nararamdaman agad iyon pag nakita mo na ang para sa ‘yo. Sabi nga ni Sarah Dessen sa ‘Truth About Forever’: ‘There is never a time or place for true love. It happens accidentally, in a heartbeat, in a single flashing, throbbing moment.’ Iyon ang nangyari sa akin the first time that we met. Kaya nga gusto kong sagutin mo na ako para wala nang ibang pumorma sa iyo.”

Wala na siyang maikatwiran.

Napatingin siya sa platitong ginagamit ni Smash na wala nang laman. Nagtinidor siya ng isang mojo na korteng bilog at inilagay sa platito. At isa pang mojo. Binuhat niya ang platito na may dalawang mojo na korteng bilog at ipinakita iyon kay Smash.

Namula ang mukha at kumislap ang mga mata ni Smash. Alam na ng binata ang ibig sabihin ng dalawang bilog na mojos! He’s too smart para hindi makuha ang mensahe ni Princess. two mojos read like “oo”.

Masuyong niyakap nito ang dalaga. “Salamat...” puno ng damdamin na sambit nito. “Huwag kang mag-alala, gagawin kong isang malaking-malaking responsibilidad ang love ko sa iyo. Hindi ako ang original na nakaisip ng linyang ito but promise, I’ll be careful with your heart.”

Kinilig nang todo si Princess sa sinabi ni Smash.

 

SUBAYBAYAN!