Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 4)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-4 na labas)

NA-CURIOUS si Princess sa mga beads na tinda ng mama sa bilao. Nag-obserba siya sa sitwasyon. Nakita niyang nangingislap ang mga mata ng mga bata habang pumipili ng gusto. Talagang bumibili ang mga ito. At maya’t maya ay may lumalapit sa tindang accessories ng mama.

Nang medyo iilan na ang bagets na tumtingin sa mga paninda ng mama ay dumampot siya ng isa at minasdan iyon. Hindi siya makapaniwala na ang ganito kakorni na bagay ay magugustuhan ng mga bata—na karamihan ay mga babae.

“Sampung piso lang ‘yan,” sabi sa kanya ng matandang lalaki.

Ngumiti siya rito. “Tiningnan ko lang po. Sino po ang gumagawa niyan?” tanong niya.

“May pinagkukunan din ako na siyang gumagawa niyan. Nakukuha ko ng anim na piso pag maramihan. Kaya may tubo akong apat na piso kada piraso.”

Muli niyang minasdan ang accessories. Kayang-kaya niyang gawin ito, naisip niya. “Saan po kaya nakakabili ng mga nakakabit dito?”

“Marami niyan sa Divisoria,” sagot ng matandang lalaki. “Meron din sa Quiapo. Basta ipagtanong mo lang kung saan ‘yung para sa mga aksesoris alam na nila ‘yun.”

Napatangu-tango siya. May ideya nang naglalaro sa isip niya. Ibinalik niya ang kinuha sa bilao.

“O, hindi mo ba bibilhin?” tanong uli sa kanya ng matanda.

Ngumiti siya. “Ay, wala pong pera, ‘Tay!” aniya at humagikhik. Isa iyon sa mga katangian niya. Hindi siya mapagpanggap.

Napahinga nang malalim ang matanda. “O, siya... kahit balik-puhunan na lang. Six pesos na lang. Malay mo maging lucky charm mo pa ‘yan.”

Napakibit-balikat siya kapagkuwa’y kumapa sa kanyang bulsa. “Sige na nga po, baka susuwertihin.” Binigyan niya ito ng six pesos at kinuha ang bracelet na tiningnan niya kanina. “Sana magdilang-anghel kayo na susuwertihin na ako.”

Ngumiti ang matanda. “Pag gaya mo na maganda at mukhang prinsesa, lapitin ng suwerte.”

Natapik niya sa balikat ang matanda. “Salamat, “Tay, ha? Lupit ng sales talk mo!”

At naglakad siya pauwi dahil napabayad sa matanda ang kanyang pansakay sana sa de-padyak. Maya’t maya siyang nakatitig sa bracelet sa kanang kamay niya. Parang naririnig pa niya ang sinabi ng matanda: “Malay mo maging lucky charm mo pa ‘yan.”

Nang makauwi siya sa kanilang bahay noon ay ipinakita niya kay Aling Zeny, ang kanyang ina, ang nabiling accessory. Isinukat iyon ng matandang babae.

“Maganda...” komento nito. “Usung-uso ang mga ganito ngayon. Kahit ‘yung mga matronang mina-massage ko ay ganito na ang isinusuot para hindi na sila nahoholdap.”

“Alam mo ba ang bilihan ng mga beads sa paggawa ng ganyan, Inay?” ungkat niya rito. Dati kasi ay naging tindera sa Divisoria ang kanyang ina. Doon ito nakilala ng kanyang ama.

“Oo. Bakit, gagawa ka ng ganito?”

“Susubukan ko po. Tutal mukhang madali lang namang gawin.”

“Sige, punta tayo sa Linggo. E, may pambili ka ba?” usisa nito sa kanya.

“Meron pa po akong naitatagong five hundred pesos. Pero bibili lang ako ng konti. Testing lang naman. Ititinda ko riyan sa harapan natin.”

Ibinalik ng ina niya sa kamay niya ang bracelet at pagkatapos ay pumiksi ito. “Mag-uumpisa ka na naman ng ideya tapos gagayahin lang ng iba pag patok na?” Halata ang pagkadismaya sa boses nito. Hindi pa rin maka-move on ang ina niya sa pagkakasabotahe sa kanilang tindahan ng mga tusuk-tusok.

Tumawa siya. “Inay, kalimutan mo na ‘yun. Sabi nga sa isang forwarded text message na natanggap ko, ang mabigat bitbitin, binibitawan.”

“Sino naman ang nag-text ng kababawang ‘yan?” asik sa kanya ng ina.

Hindi na siya sumagot at natatawang niyakap si Aling Zeny. “Move on,” bulong niya rito. “Move on na...” at kiniliti niya ito.

Ganoon lagi silang mag-ina. Sa gitna ng maraming problema ay nananatiling close.

Bago sila nagpunta ng Divisoria ay nagsagawa muna si Princess ng kanyang “market research”. Ilang simbahan, eskuwelahan  at specialty shops malapit sa kanila ang kanyang pinuntahan. Iisa ang naobserbahan niya: mabenta nga ang mga accessories lalo na sa mga bagets na babae. Nag-Google din siya ng tungkol dito, ang mga materials at tools na kailangan at kung paano gagawin. Kaya nang sumapit ang Sunday, may listahan na siya ng mga bibilhin para sa kanyang bagong pinaplanong business.

Dahil sa computer shop lang siya nag-research, matiyaga niyang isinulat sa notebook ang mga nakalkal niya sa Google para hindi na siya magpabalik-balik doon. Ganoon siya kapraktikal, sayang din kasi ang para sa computer rentals. Pambaon na rin halos ni Patrick iyon.

 

SUBAYBAYAN!