Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 40)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-40 labas)

TWO weeks na silang officially on nang imbitahan naman si Princess ng binata sa bahay nito kaya mala-“Meet The Parents” ang kanilang drama. Gusto raw siyang makilala ng pamilya nito dahil paalis na uli ang Kuya Wilmar ni Smash.

Kabado siya nang dumating sila sa bahay ng binata. Hiyang-hiya siya. Nasa mesa na ang parents nito at mga kapatid. Hindi marangya ang handa sa mesa—malaking pizza, spaghetti, salad at kung anu-ano pang pica-pica. Warm naman sa kanya ang mga ito at lahat ay may welcoming smile. Agad siyang niyayang kumain. Natandaan niya si Tepai, ang maganda, sosyal at matangkad na babaing bumaba sa kotse ni Smash noon.

Matapos ang ilang pleasantries, parang napaharap sa jury si Princess. Ang Kuya Wilmar ng binata ang unang nagtanong sa kanya, though deep inside ay alam niyang nag-background check na ang mga ito about her through Smash. “Saan ka nag-aaral?”

“Stop po kasi ako ngayon kasi pinauuna kong mag-aral ang kapatid ko. Pero nagte-training po ako ng Photoshop.”

“’Yan ba ‘yung computer program na pwedeng mag-manipulate ng mga photos?” usisa nito.

“Opo...”

“Puwede kayang ‘yung picture ko palitan mo ng mukha ni Piolo Pascual?” biro nito.

“Ay, hindi na po kailangan. Ang guwapo n’yo na po.”

“Tanggap ka na bilang hipag!” reaksyon ni Wilmar.

Ang lakas ng kanilang tawanan.

Ang Ate Tepai naman nito ang nagtanong. “Gumagawa ka raw ng mga accessories?”

“Opo. May dala nga po ako para sa inyo ng mommy n’yo.” Inilabas niya mula sa bag ang dalawang bracelets at iniabot kay Tepai ang isa, ang isa ay sa mom ni Smash.

Agad namang isinuot iyon ng dalawang babae.

“So nice!” si Tepai habang tinitingnan ang bracelet sa kamay. “Ang galing mo, ha?”

Sinusuri rin ng ina ni Smash ang napapunta rito. “Mukhang mahal ang materials mo. Baka nalugi ka sa amin ni Tepai, ha?”

“Hindi naman po...”

Sumingit ang dad ni Smash. “Parang wala yatang para sa mga lalaki? Nagsusuot din kami ng ganyan.”

Nagtakip siya ng bibig. Medyo nahiya. “Naku, sorry po! Hayaan n’yo po, ipapadala ko kay Smash!”

Nagbiro ang matandang lalaki. “Kailangan dalawa na ‘yun. Late na, e.”

Tawanan uli sila.

Tinapik ni Smash si Wilmar. “’Yung utol niya ay planong mag-seaman. Pag naka-graduate, tulungan mong makaakyat sa barko, ha, Kuya?”

“Oo, aakyat lang pala, e. Kahit kung paano bumaba sa barko tutulungan ko siya.”

Napuno muli ng tawanan ang kusina.

Right there and then, natuklasan ni Princess kung gaano kasaya ang pamilya ng boyfriend—at kung saan ito nakamana ng sense of humor.

Marami pa silang napag-usapan—mostly ay kung paano niya mapapalaki ang kanyang raket. Nang makatapos silang kumain ay nag-iced tea sila ni Smash sa table sa garden. Naiwan ang tatlo na tila nagha-huddle. Pakiwari ni Princess ay ini-evaluate siya ng mga ito.

Maya-maya ay lumapit sa kanila si Tepai, may dalang tasa ng kape. Nakihalo sa kanilang kuwentuhan. Bago ito tumayo ay may ipinayo sa kanya.

“Kung busy ka sa mga ginagawa mo, puwede kang mag-college through home study program. Sa bahay ka na mag-aaral, tapos pupunta ka lang sa school pag exams. Program ‘yan para sa mga working na at walang time for regular schools.”

“Puwede rin po,” sang-ayon ni Princess. “Kakayanin ko naman po siguro.”

 

END OF BOOK IV

(To be continued...)