Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 43)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-43 labas)

MALAKI raw ang posibilidad na makapasok si Smash sa reality show kung saan pinag-audition siya ng kanilang talent agency. Halos in the bag na. nang gabing iyon ay gumimik sila ng kanyang manager at sinabihan siya na magpakasaya na dahil pag na-accept siya sa show ay almost two months siyang mawawala sa tunay na mundo.

Masaya ang grupo sa isang table malapit sa kinapupuwestuhan ni Smash at ng manager niya. Malalakas ang tawanan, at prominente ang isang boses na sobrang ingay at parang ang taas-taas ng energy level.

Sumulyap siya sa maingay na grupo.

Nagtama ang mga mata nila ni Marsha Delos Reyes, ang sikat na comedienne na laging box office ang mga pelikula at concerts.

Kilala niya ito—sa pangalan lang naman—dahil nga sikat. Notorious din ito sa pagiging cougar. Kahit in her late 40’s na, mahilig pa ring makipagrelasyon sa mga bagets na guys. Kainuman nito ngayon ang ilang gay friends.

Malanding inayos ni Marsha ang buhok sa isang tainga nito habang nakatingin kay Smash.

“Who is that heartthrob?” tanong nito sa mga kagrupo.

“Ma!” anang isang gay friend nito na ang ibig sabihin ay malay ba nito, or hindi kilala nito kilala si Smash.

“Looks familiar,” sabi naman ng isa pa. “But you’re right, fafable siya. So yummy!”

“Hi!” sigaw ni Marsha kay Smash at kumaway.

Likas na gentleman, itinaas ni Smash ang hawak na baso. “Hi...”

Tumayo si Marsha. “Diyan muna kayo. Maglalandi lang ang lola n’yo!” paalam nito sa mga kasama.

Lumapit ang comedienne kay Smash. Nakadikit agad ang katawan sa binata.

“Hi, may kasama ka ba?” tanong nito.

“I’m with my manager,” itinuro niya ang manager na noon ay sa DJ nakatingin.

Nang lumingon sa kanila ang manager, nagkagulatan pa ito at si Marsha. Magkakilala pala ang dalawa. Nagtilian at nagyakapan. Beso-beso at konting tsika.

“Alaga mo pala ang super guwapong ito,” ani Marsha sa manager. Nagpakandong pa ito sa nagulat na si Smash.

“Oo. Inihahanap ko nga ng mga projects. Puro print modeling pa lang kasi ang nakukuha niya.”

“Isama natin siya sa isang movie ko,” ani Marsha, na nakayakap na sa binata. “Puwedeng isa siya sa mga love interest ko,” at tumawa ito.

Umandar ang pagka-enterprising ng manager. Inilabas nito ang smartphone at binulungan si Smash. “Play along with her. Just play along.”

Niyakap ni Marsha ang binata. “Ano’ng pabango mo? You smell so good.”

Sinabi niya rito kung ano.

“Puwede bang humalik?” humagikhik si Marsha. “Parang ang sarap i-kiss ng lips mo.”

Ang manager ni Smash ang sumagot. “Go kiss her, Marsha. He’s cool. He’s yours tonight.”

Kumawit muna sa batok ni Smash ang komedyana bago inilapat ang labi sa lips niya. Nagtilian ang gay friends nito sa tuwa.

Maagap naman ang manager ng binata. Gamit ang smartphone ay agad na-capture ang moment na iyon.

Humalik pa sa dibdib ni Smash si Marsha bago nagpaalam sa kanya at bumalik na sa table nito—na sinalubong pa rin ng tilian ng mga bading.

Malapad na malapad naman ang pagkakangiti ng manager ni Smash. Alam nito na gagawa ng ingay para sa alaga ang na-capture na halikan sa pagitan ni Marsha at ng binata. At dagdag pogi points iyon sa selection committe na magde-decide kung makakasama ang alaga sa reality show.

Para naman kay Smash, it’s just one of those instances na nangyayari sa gimmick places. Wala lang, katuwaan lang.

Ang hindi niya alam, may consequence ang pangyayaring iyon sa love life nila ni Princess!

 

SUBAYBAYAN!