Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 44)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-44 na labas)

SA social media unang nagsimulang kumalat ang tinawag na “kissing video scandal” ni Marsha Delos Reyes. Na-pick-up ng media. Front page sa mga tabloid, at minor stories naman sa mga broadsheets. Bago magtanghali ay malaking-malaking balita na.

Nang umagang iyon, nang sumalo sa almusal si Smash ay ipinakita sa kanya ng ina ang broadsheet na nasa ibabang bahagi ang picture ng paghahalikan nila ni Marsha kagabi.

Hindi nakakibo si Smash. Bigla siyang nawalan ng gana sa pagkain kahit napakasarap ng kanilang almusal.

Ewan ng binata kung bakit may kakaibang kaba siyang naramdaman nang makita iyon. Bigla niyang naisip si Princess.

“Hindi ka yata nag-ingat,” ang kanyang mommy. “Baka makita iyan ng girlfriend mo.”

“Oo nga,”susog ng kanyang dad. “Bata pa naman ‘yun, baka hindi maintindihan ‘yan.”

Iyon din ang nasa isip niya ngayon. Napahalumbaba na lang si Smash. Naisip niyang sana’y huwag makita iyon ni Princess.

Nang makapag-almusal ay tinawagan niya ang kanyang manager.

Tuwang-tuwa itong nagbalita sa kanya. “You’re the hottest guy in town right now, Smash, dahil sa halikan n’yo ni Marsha! Kaya ang laki ng posibilidad na matanggap ka sa show. Kalat na kalat ang video ninyo sa social media at pinag-uusapan ka ng netizens. Ang guwapo raw ng guy!”

Cold ang response niya sa manager. “Ikaw ang nag-upload ng video, right?”

“Oo kasi kailangang umingay ang name mo. Mamaya may live interview kay Marsha. Lalo kang mapag-uusapan.”

Gustong magalit ni Smash sa kanyang manager pero hindi niya magawa. Tungkulin nito na gawan ng ingay ang mga talents sa agency para maging marketable. He hates that notion, but that’s how the business works.

Naisip niyang muli si Princess. Kung sakali, paano siya mag-e-explain dito na for publicity stunt lang ang video na iyon?

Hindi na naalis ang kaba niya sa dibdib.

                                                            **

KUMAKAIN ng tanghalian sina Princess at nanonood ng paboritong variety show ng kanyang ina sa TV nang biglang mag-flash news report na regular segment sa programa. Ang opening cue ng host, “Marsha Delos Reyes nakipaghalikan sa bagets!”

Fan sila ng komedyana kaya na-curious sila sa balita. Masaya sa ambush interview si Marsha at nag-confirm na totoo ang nakunang video, at siya nga iyon.

“Alam mo naman ang lola mo, may asim pa!” biro nito sa nag-i-interview. “Hindi ko kasalanan kung may mga bagets na ma-attract pa rin sa katawang lupa ko.”

Sunod na ipinakita ang video clip na naghahalikan sina Marsha at Smash.

Nanlaki ang mga mata ni Princess!

“A-ang boypren mo!” bulalas ni Aling Zeny. “Di ba ang boypren mo iyan?”

Nabitawan ng dalaga ang kutsara at tinidor na ginagamit. Kumalansing iyon sa plato niya.

Minsan pang nag-play ang video habang may voice over na dini-discuss kung sino ang guy. Mas full shot at kitang-kita ang tukaan nina Smash at Marsha.

Napahagulhol si Princess at nagtatakbo papasok sa kanyang kuwarto. Hindi na niya naunawaan ang sinabi pa ni Marsha sa pagtatapos ng interview.

Dinig ni Aling Zeny ang atungal ni Princess. Napailing na lang ang matandang babae at hindi na rin nakakain. Inayos nito ang mga pinagkainan bago pumasok sa kuwarto ng anak para aluin ang dalaga.

 

SUBAYBAYAN!