Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 46)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-46 na labas)

SINUMBATAN ni Princess si Smash sa ayon sa dalaga ay pagiging marupok ng binata.

“S-sorry...” Iyon lang uli ang nasabi ni Smash.

Na-shock siya sa sumunod na pasigaw na sinambit ng dalaga. “Break na tayo! Doon ka na sa matrona mo!”

Pagkasabi niyon ay pumasok na ito sa kuwarto at isinara ang pinto. Naiwan si Smash na sa sobrang pagkabigla ay parang nakatikim ng suntok ni Floyd Mayweather, Jr. sa sikmura.

Binuksan muli ni Aling Zeny ang mga bintana at pinto. Tinapik-tapik si Smash. Pinaupo siya nito at inabutan ng malamig na tubig. Bahagya siyang nanibago sa pakikitungo nito sa kanya ngayon. Kung kailan galit sa kanya si Princess ay saka naman ito parang mabait sa kanya.

Dahil ba natuwa ito na sinabi ni Princess na break na sila?

Napahinga siya nang malalim.

“Huwag mo na munang pilitin,” si Aling Zeny. “Galit pa. Masamang magalit ‘yun saka matampuhin palibhasa’y mabait.”

“Pasensya na po sa nangyari,” matamlay niyang sambit. Kay Aling Zeny na niya ikinuwento ang nangyari sa bar. Wala naman itong reaksyon o komento.

Makalipas ang ilang minuto ay nagpaalam na siya. “Pakisabi na lang po kay Princess na aalis na ako. Saka sana po buksan niya ang phone niya para magkausap kami.” Sumulyap siya sa kuwarto ng dalaga at umasang sana ay lumabas ito.

Tumango lang si Aling Zeny. Bigo naman siya sa inaasam na baka lumabas pa ng kuwarto si Princess.

Mabibigat ang mga hakbang niya patungo sa kanyang kotse. May mga curious na kapitbahay ang dalaga na nakatingin sa kanya na parang namumukhaan siya. May mga naririnig siyang satsatan tungkol sa video. Pero malayo ang takbo ng diwa niya.

Paano pa niya maibabalik ang tiwala ni Princess? Paano niya maipapaliwanag dito ang katotohanan sa kissing video scandal nila ni Marsha Delos Reyes?

Malapit na siya sa kanyang kotse nang hangos na dumating si Aling Zeny at tinatawag siya. Humabol pala sa kanya. Biglang sumaya si Smash. Pinababalik siguro siya ni Princess. Hinintay niya ito.

Pero lalo lang siyang nanlumo sa dahilan ng paghabol nito sa kanya.

“Ipinasosoli ito ni Princess,” iniabot nito sa kanya ang box ng promise ring na bigay niya sa dalaga.

“I-ibalik po ninyo sa kanya,” aniya nang magawa niyang magsalita matapos ang initial shock at sakit na naramdaman. Kung ipinasosoli na ni Princess ang promise ring, tuluyan na ba talaga nitong gustong tuldukan ang kanilang relasyon?

Inilagay ni Aling Zeny sa kamay niya ang maliit na box. “Hayaan mo na lang muna kung ano ang gusto niya, Smash. Bata pa si Princess. Sabi nga niya, e, ngayon lang siya nagkanobyo kaya sobrang nasaktan. Mga bata pa kayo pareho para magpakaseryoso sa pag-ibig.”

Pagkabigay sa kanya ng singsing ay umalis na rin ang matandang babae. Maraming nakikiusyoso sa kanila na para bang nanonood ng shooting ng teleserye.

Pinagbuksan siya ng tanod ng pinto ng kotse. Seryoso ito nang magtanong. “May LQ yata kayo ni Princess, bosing?”

Hindi siya sumagot at naupo na sa driver’s seat. Inabutan niya ito ng pera. Tinapik naman siya nito sa balikat.

“Maaayos din ‘yan, bosing. Ganyan lang talaga ang pag-ibig, away-bati para mas matamis,” anito sa seryosong tinig. Sa nakita nitong mga eksena ay nawala ang kakulitan ng barangay tanod.

Sana nga. Pero alam kaya ng mamang ito kung gaano kalaking problema ang namamagitan sa kanila ngayon ni Princess?

Inilagay niya sa glove compartment ang box ng singsing at malungkot na nagmaneho paalis sa lugar na iyon.

 

SUBAYBAYAN!