Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 47)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-47 labas)

NAWINDANG si Smash nang makipag-break sa kanya si Princess at ayaw nang makipag-usap. Lalo naman siyang nanlumo nang papasakay na siya sa kanyang kotse at humabol sa kanya si Aling Zeny dala ang promise ring na bigay niya sa dalaga. Ipinasasauli na raw ni Princess.

Umalis siya sa lugar ng mga ito na parang walang tiyak na patutunguhan. Litung-lito ang kanyang isipan sa bilis ng mga pangyayari.

Mabagal ang kanyang pagmamaneho. Ewan niya pero gusto niyang i-memorize ang lugar na iyon. Ang kalye nina Princess, ang vulcanizing shop kung saan niya ito unang ibinaba. Nagsasalimbayan din sa diwa niya ang mga unang pagkikita nila, ang pamamasyal sa mall, ang pagsama-sama rito pag maghahatid ng raket sa mga kliyente. Mga maliliit na bagay na labis na nagpapasaya sa kanilang dalawa.

Parang tukso naman, ang tinutugtog sa FM station kung saan siya naka-tune in ay ang isa sa paborito niyang kanta na para bang may kaugnayan sa relasyon nila ni Princess—ang Passenger Seat ng Stephen Speaks:

“I look at her and have to smile

As we go driving for a while

Her hair blowing in the open window of my car...

And as we go the traffic lights

Watch them glimmer in her eyes

In the darkness of the evening...

And I've got all that I need

Right here in the passenger seat

Oh, and I can't keep my eyes on the road

Knowing that she's inches from me...

We stop to get something to drink

My mind clouds and I can't think

Scared to death to say I love her

Then a moon peeks from the clouds

Hear my heart that beats so loud

Try to tell her simply...

Oh, and I know this love grow...”

Iyon ang hindi na niya tiyak ngayon. Kung talagang maggo-grow pa ang love story nila. Napatingin si Smash sa passenger seat. Bakante iyon. Wala si Princess. at hindi niya alam kung maisasakay pa niya ito at muling mauupo roon.

Naramdaman na lang niyang mainit ang kanyang mga mata dahil sa luhang gustong kumawala.

At sa pagpapatuloy ng awitin, hinayaan ni Smash na mapaiyak siya. Kung sana lang ay nakikita ni Princess kung gaano naghihirap ngayon ang kalooban niya—gaya rin nito.

                                                           **

TWO days nag-emote si Princess. Pangatlong araw mula nang mapanood niya sa TV ang halikan nina Smash at Marsha ay lumabas na siya ng kuwarto. Kumain. Lagi ngayon sa kanilang bahay si Aling Zeny dahil pinakikiramdaman siya. Wala itong sinasabi sa kanya pero bilang mabuting anak ay alam niyang hindi siya dapat padaig sa emosyon. Ngayong araw na ito ay kailangan niyang maihatid ang mga T-shirt na inorder sa kanya. Malayo pa naman ang pagdadalhan niya dahil sa bahay mismo ng kanyang client. May pasok na si Patrick kaya hindi siya masasamahan.

Nagtanghalian siya. Naligo. Nang makabihis ay nagpaalam siya sa ina na kukunin na ang mga T-shirt sa printer para ihatid niya sa kliyente. Nag-offer ito sa sasamahan siya.

“Okey na ako, Inay,” aniya. Pagkasabi niyon ay nahagip ng tingin niya ang tabloid kung saan front page sina Smash at Marsha. Dinampot niya iyon. Kumuha ng ballpen at nilagyan ng mahahabang kulot na buhok si Marsha, pinahaba ang ilong, nilagyan ng maiitim na pimples, pangil at sombrerong itim. Nagmukhang witch sa photo ang komedyana.

“Siguradong kang okey ka na?” tanong ni Aling Zeny na kinuha na ang tabloid at itinapon sa basurahan.

Nakasimangot si Princess nang sumagot.

“Opo.” Pero alam niyang hindi pa siya okey. Masakit pa rin ang ginawa ni Smash. Lumarga na siya matapos humalik sa ina.

 

SUBAYBAYAN!