Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 50)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-50 labas)

MALAKING balita kinabukasan ang hindi pagsipot ng isang contestant sa sikat na reality show sa bansa na nagsimula na kagabi. As usual, kumalat sa social media at na-pick up ng traditional media.

Napanood nina Princess ang balita. Saka lang niya na-realize na iyon pala ang sinasabi ni Smash na malaking project na niluluto para rito ng talent agency ng binata.

Nakaramdam siya ng guilt. Ibig sabihin ay mas pinili ni Smash na iligtas siya kaysa unahin nito ang career?

Napatingin sa kanya si Aling Zeny. Naikuwento na niya sa ina ang nangyari. Na si Smash ang sumundo sa kanya mula sa lugar kung saan siya naholdap. Walang salitang namamagitan sa kanilang mag-ina, pero pareho sila nang iniisip.

Ayon sa balita ay may exclusive interview kay Smash alas diyes ng gabi sa programang “Entertainment Files”. Kailangan niyang manood, naisip ni Princess.

Naging kainip-inip kay Princess ang pagsapit ng alas diyes ng gabi. Hindi siya halos nakakain ng hapunan sa paghihintay. Nang oras na ng show, nakipanood si Aling Zeny. Na-curious din marahil sa mga sasabihin ni Smash.

Ang host ng show ay ang multi-awarded na si Choi Lacumba. Matapos ang opening segment ay tinawag na nito si Smash sa portion na mala-hot seat.

Simple lang ang suot ni Smash. Maong pants, white polo at rubber shoes. Pinuna ni Choi na guwapo pala talaga ang binata sa personal. Napansin naman ni Princess na medyo pumayat ang binata.

Nagsimula na ang interview matapos bumati ni Smash at magpakilala sa televiewers. Naobserbahan ni Princess na hindi gaya ng dati ay tila walang sigla ang binata.

“Diretsahan na, Smash,” bungad ni Choi. “Hindi ka dumating sa opening ng reality show kung saan kasama ka. May bali-balita na sabotahe raw ito, may nagbayad sa iyo na ibang network para gawin iyon... ano ang totoo?”

Nagsalita si Smash. “Wala pong katotohanan, Tito Choi. Wala pong ganoon. Naipit lang po ako sa isang mabigat na sitwasyon.”

“At ano ang mabigat na sitwasyong iyon?” ungkat ng host.

“May isang tao po na sobrang mahalaga sa akin na naholdap kagabi. Kinailangan ko po siyang iligtas.”

Napuno ng sari-saring reaksyon ang studio—pinakamalinaw ang “Oh...”

Tumingin kay Smash si Choi na bahagyang may pagdududa. “Naholdap? Ito ba ay naiulat sa mga pulis? May katunayan ba na totoong nangyari ito? Hindi ba ito kathang-isip lamang?”

“Hindi po, Tito Choi. Makapagpapatunay po ang lady guard kung saan ko sinundo ‘yung naholdap. Hindi na nga lang po kami nakapagpa-blotter dahil gusto na niyang makauwi agad dahil sa sobrang takot.”

Napahalukipkip si Princess sa panonood.

Nagpatuloy si Choi. “Bago itong kontrobersyang ito ay nasangkot ka rin sa isa pang isyu—kay Marsha Delos Reyes. Ikuwento mo nga kung paano nangyari iyon?”

“Alam mo naman sa mga gimmick places, Tito Choi, weird things happen. Iyon lang po iyon. Hindi kami magkakilala ni Miss Marsha. And I thought she was at her usual funny self then, and my manager told me to just play along. Iyon din naman ang sinabi ni Miss Marsha sa interview sa kanya.”

Sa bahaging iyon ay ipinakita ang ambush interview kay Marsha. Anito sa interview. “Wala lang... natuwa lang ako roon sa bagets kasi nag-iisa siya sa sulok at mukhang mabait. E, ‘yung mga baklang kasama ko, gusto kong pasayahin kaya naglandi ako. Wala ‘yun... for fun lang talaga. Saka baka may girlfriend si bagets, nakakahiya naman. Babae rin naman ako, ayokong nagseselos. Itigil na po natin ito. Baka marami na ang nasasaktan.”

Napatingin si Aling Zeny kay Princess. Engrossed naman ang dalaga sa panonood at panay ang kagat sa mga kuko sa daliri.

 

SUBAYBAYAN!