Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 51)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-51 labas)

SA panayam kay Smash ay sinabi niyang may isang napakahalagang tao na iniligtas niya kaya di siya nakarating sa opening night ng reality show. Ipinakita rin ang interview kay Marsha Delos Reyes na nagsasabing pinasaya lang nito ang mga kasamang bakla kaya ito naglandi kay Smash. Sana raw ay itigil na ang isyu dahil baka may kasintahan si Smash at may ibang babae nang nasasaktan.

Nagtanong muli si Choi kay Smash. “Alam mong malaking gulo ang iyong ginawa. The network may sue you and the talent agency you are in. It may be the end of the road for your career. Handa ka ba rito?”

Huminga nang malalim si Smash. “Nagawa ko na ito, Tito Choi, kailangan kong harapin. Nakikipag-usap na po ang agency sa network. Ako naman po ay tinanggal na nila sa roster ng kanilang talents bilang punishment. Since CPA po ako, isa po sa ina-arrange ay I’ll work with the network as one of their CPAs without pay for a certain period of time hanggang mabalanse ‘yung naging danyos.”

“Sounds fair...”

“Oo nga po. At nagpapasalamat po ako sa aking manager at sa network dahil pilit nilang inuunawa ang gulong ginawa ko.”

“Sa pagkakataong ito ay gusto kong maging personal, Smash. ‘Yung taong iniligtas mo, gaano siya kaimportante sa ‘yo para magdesisyon ka na parang ito ay talagang matter of life and death?”

Matagal bago sumagot ang binata. Puno ito ng emosyon nang magsalita. “S-she’s my life, Tito Choi...” At pagkasabi niyon ay tumulo ang luha nito, na kitang-kita sa screen.

Napuno muli ng “Oh!” ang studio.

Nahawakan naman ni Princess ang dibdib. Nanginig ang kanyang lalamunan.

Maging ang host ay mukhang naapektuhan nang mga sandaling iyon. Tumingin ito kay Smash. Tinapik-tapik ang binata. “Kapuri-puri ka, Smash. Kung nanonood ngayon ang taong sinasabi mo... bago tayo magpaalam, may gusto ka bang sabihin sa kanya?”

Nag-focus muli ang camera kay Smash. Tumingin doon ang binata. Malungkot ito nang magsalita. “I’m sorry kung nasaktan kita. I’m sorry na hindi ko nagawang isang malaking-malaking responsibilidad ang relasyon natin gaya ng promise ko sa ‘yo. Pero sana ay napatunayan ko na para sa iyo ay kaya kong talikuran maging ang sarili kong mga pangarap. Na hindi kita kayang ipagpalit sa fame and fortune. You’re still the one, and you’re my life. I love you... Nakasanla pa rin sa iyo ang puso ko, and I will die believing in the same.” Napaiyak na si Smash.

Lalong naging malakas ang “Oh!” mula sa studio audience.

“Napakaganda! Napakaganda...” bulalas ni Choi. “At napakasuwerte ng babaing pinagsanlaan mo ng iyong puso, Smash. Mabuhay ka!”

Nagkamay ang host at ang guest bilang hudyat na tapos na ang programa.

Nagpapahid naman ng luha nang mga sandaling iyon si Princess.

 

TATAPUSIN!