Skip to main content

Promdi (Part 12)

Nobela ni AMANDA

(Ika-12 labas)

LUMABAS ng bar si Arnald upang sagutin ang tumatawag sa kanyang cellphone. Numero lang ang lumilitaw sa screen. Ibig sabihin ay hindi pa ito naka-save sa kanyang phonebook.

“Hello... sino ito?” pangalawang tanong na niya ‘yun. Ayaw magsalita ng tumatawag. Pinapakinggan lang siya. Inulit niya ang tanong. Hindi pa rin sumasagot.

Tuluyan na siyang nainis. “Bakit ba ayaw mong magsalita?”

Sa halip na sumagot ay naputol ang koneksyon. Tinawagan niya ang numerong nakarehistro sa cellphone. Cannot be reach na ayon sa computer prompt. Inis na ibinulsa ni Arnald ang cellphone at bumalik na siya sa bar. Sumayaw ng dalawang set at saka tumeybol sa isang bading ngunit tumanggi siyang magpa-VIP. Sa halip ay uminom na lang nang uminom. Gusto niyang malasing upang makatulog kaagad pag-uwi.

Hindi pa rin mawaglit sa kanyang isip si Rose at ang makinis nitong hiyas na walang gaanong buhok. Umigkas ang kanyang manoy. Nag-alburoto sa loob ng kanyang hapit na shorts.

“Gusto mo ba talagang mag-VIP?” pagaril na tanong niya sa kateybol na bading. “Magkano ang kaya mo?”

Pumayag sa isang libo ang bading pagkatapos nilang magkatawaran. Two thousand pesos kasi ang karaniwang asking price niya kapag bading. Mas mababa kapag babae. Sa loob ng VIP ay naging mainit kaagad ang kostumer. Pinaghihipuan kaagad siya.           Ngunit bago nag-umpisa ay nilinaw kaagad ni Arnald ang kanyang patakaran. “Bawal ang halik. Bahala ka kung ano’ng gusto mong gawin basta puwera ang halik. “

“Ang arte mo naman!” protesta ng bading.

“Ayaw mo? Labas na tayo.”

“Oo na. Echoserang palaka! Kung hindi ka lang guwapo iniwan na nga kita!” pairap na sagot ng bading na hindi na niya pinagkaabalahang alamin ang pangalan.

Habang tinatrabaho siya nito ay si Rose ang naglalaro sa isip ni Arnald. Challenge talaga sa kanya ang katulong. Ang patuloy na pagpapakipot nito ay lalong naghahatid sa kanya ng init.  At dahil sa isiping iyon  kaya lalong nasiyahan ang bading dahil tigas na tigas talaga siya. Nang makaraos ang bading ay lumabas na sila ng VIP room. Mag-uumaga na kaya’t bihira na ang tao. Nakabihis na si Abner at handa na ring umuwi.

“Malas ang gabi ko!” protesta nito habang nag-aabang sila ng masasakyan pauwi. “Kuripot ang nakateybol ko. Belekoy. Five hundred lang pero ang daming gustong gawin. Layasan ko nga.”

“Gano’n talaga, ‘tol. Kahit nga sa palengke may barat. Minsan matumal pati isda.”  Inakbayan niya ang kababata at dinaan sa biro. “Huwag kang mag-alala. Inom tayo. Sagot ko.”

“Bayaran nga pala ng upa ngayon. Heto ang share ko.” Malungkot na inabot ni Abner ang gusot na five hundred pesos na mula sa bulsa.

“Huwag na, ‘tol. Sagot ko na muna ngayon. Sa sunod ka na bumawi.”

Hindi sa apartment dumiretso ang dalawa. Sa tambayan nila. Tuwang-tuwa uli ang tropa. Masasayaran na naman ng libreng alak ang kanilang mga bodega. Asikasung-asikaso ng mga ito sina Abner at Arnald. Parang mga bosing kung pagsilbihan. Iba ang nagluluto ng pulutan. Iba ang nag-aasikaso sa pagbili sa tindahan. Pati ang tatay ni Jean na si Mang Kanor ay nakipag-inuman na rin. Bumaha ang pulutang kambing.

May puwesto kasi si Mang Kanor  sa tabi ng EDSA. Tindahan ng mga buhay na kambing na ang karaniwang costumers ay mga Bumbay at Arabo. Ang maganda pa nito, ang mga Arabo pala ay laman  lang ang binibili sa kambing. Ang mga laman-loob at bayag ay iniiwan na kaya’t maraming papaitan at adobong bayag. Ngayon lamang nakatikim ng bayag ng kambing si Arnald. Masarap pala. Kahit inihaw lang ay lasang balut at napakalinamnam.

“Pampainit ‘yang pulutan natin. Iyan ang soup number five,” pagbibida ni Mang Kanor sa luto nito. “Kailangan ninyong dalawa ‘yan.”

Ang tinutukoy ni Mang Kanor ay sina Arnald at Abner. Hindi na rin kasi lingid sa lugar na ‘yun kung ano’ng trabaho nila. At nakasanayan na rin naman niya ang mga pasaring na tulad nang sinabi ng magkakambing.

Noong una’y medyo napipikon siya pero totoo naman kasi kaya hindi niya masisi ang mga tao kung biruin sila nang medyo below the belt.

“Hindi ko pa kailangan ang soup number five, Mang Kanor. Astig pa ito!” ganting biro ni Arnald. “Ang problema pa nga nito ay kapag tumigas si Manoy. Wala tayong pagbubuntunan.”

“O, and’yan na si Lily,” mabilis na sagot ni Mang Kanor.

Ang mga kainuman nila ay maiingay na. Kanya-kanya na ring yabangan.

“Kung sabagay ho.” Pagkasabi niyon ay inilapit ni Arnald ang mukha sa taynga ni Mang Kanor at may ibinulong.

“Ano?” halatang gulat ang reaksyon ni Mang Kanor . “Bata pa ang anak ko. Tigilan mo!”

Dahil nga nakainom na ay hindi rin makapaniwala sa sarili si Arnald na nagawa niyang ibulong kay Mang Kanor na kursunada niya ang anak nitong si Jean.

“Baka lang ho makalusot,” pabirong dugtong niya. “Saka mabuti na ho ‘yung alam ninyong kursunada ko anak n’yo para di na kayo mabigla kapag niligawan ko.”

Tumungga muna si Mang Kanor at saka nagsalita. “Kung sabagay, mabait ka naman. Bahala ka. Pag napasagot mo, hindi ako tutol. Ayaw kong pakialaman ang mga anak ko pagdating sa  ganyang usapin. Pero ito ang tatandaan mo, matalas lagi ang mga itak at kutsilyo ko na pangkatay ng kambing. Oras na niloko mo ang anak ko ay may kalalagyan ka!”

“Joke lang ho ‘yun. Si Mang Kanor talaga, masyadong seryoso.” Idinaan na lang ni Arnald sa biro ang lahat.

“Kung sabagay, Mang Kanor, hindi naman kayo dehado rito kay Arnald kapag naging manugang n’yo. Aba’y guwapo at makisig.” Sumabat na sa usapan si Abner. “Saka darating ang araw ay mag-oopisina ‘yan dahil titulado ‘yan. Ngayong wala pang trabaho at nagsasayaw pa lang kami sa gay bar, titilado pa lang!”

Tawanan.

Nauwi na sa biruan ang lahat. Naging masaya ang tropa. Maya-maya pa ay napatigil ang biruan. Papalapit si Jean. Naka-uniform na at papasok sa school.

“O, ayan pala si Jean. Umpisahan mo nang manligaw, pare,” sulsol ng isa kay Arnald.

“Hoy, bakit narinig ko yata ang pangalan ko?” nakapameywang na pagtataray ni Jean. “Ano ‘yun?”

“Huwag mo nang intindihin ang mga ‘yan. Papasok ka na ba, anak?” sansala rito ni Mang Kanor habang dumudukot ng pera sa bulsa.

“Opo, ‘Tay.  Siyanga pala, ‘Tay, ‘yung sinabi ko kagabi. May babayaran ho akong project.”

Naging maagap si Arnald. “Mang Kanor, Ako na ho...”

 

ITUTULOY