Promdi (Part 13)
Nobela ni AMANDA
(Ika-13 labas)
DUMUKOT ng five hundred pesos sa wallet niya si Arnald at mabilis na iniabot kay Jean. Bago inabot ang pera ay nagpalipat-lipat muna ng tingin ang dalagita sa ama at sa binata. Tila hinihintay ang pagpayag ng matandang lalaki.
“Tanggapin mo na, anak. Nagpapasikat lang ‘yan at manliligaw raw sa ’yo,” ani Mang Kanor.
Namula ang pisngi ni Jean sa narinig. “Ho?”
Muling naging maagap si Arnald. Hinawakan sa kamay si Jean . “Ihahatid ko ho muna sa labasan ang anak n’yo, Mang Kanor.”
Bago pa nakasagot si Mang Kanor ay nagawa nang ilayo ni Arnald si Jean.
“Pasens’ya ka na. Nakatuwaan ka ng tropa kaya nakantiyawan ang tatay mo,” paliwanag niya sa dalagita.
“Eh, bakit mo ako binigyan ng pera?”
“Wala ‘yan. Pakitang gilas lang. Saka di ba sabi ko sa ’yo ay bibilhan kita cellphone. Teka…” muling dumukot sa wallet niya si Arnald. Dinagdagan pa ng five hundred ang hawak ni Jean. “Bayaran mo muna ang project mo tapos bumili ka na ng cell phone.”
“Talaga, Kuya? Wow!” Tuwang-tuwa ang dalagita. “Pero teka, Kuya… paano si Cindy. Di ba sabi mo ay sabay mo kaming ibibili ng cell phone?”
Saglit na nag-isip si Arnald. “Saka na si Cindy. Ikaw na muna.”
Bago sila naghiwalay ay humalik uli sa pisngi niya si Jean. “Salamat uli, Kuya. Daan ako sa apartment mo mamaya. Ipapakita ko sa ’yo ang nabili kong unit.”
Nang makasakay ang dalagita ay bumalik na sa tropa si Arnald. Naisip niyang tingnan ang kanyang cellphone. May dalawang mensahe mula sa iisang number. Ang number na tumatawag sa kanya kagabi.
Ang unang message ay MORNING, ang pangalawa ay MUZTA…
Sinagot niya ang text ng HU U? Dalawang beses. Hinintay niya sandali ang sagot pero wala.
Naging palaisipan sa kanya kung sino ang tumatawag sa kanya na ayaw namang sagutin at ngayon ay nagte-text naman. Duda niya ay kilala siya nito. Pero sino? Wala siyang gaanong binibigyan ng kanyang number. Babae kaya ito o bakla? Naisip niyang tawagan. Cannot be reach uli.
Ibinulsa na lang niya ang cellphone at nagpatuloy sa pakikipag-inuman. Sa mga ganitong sandali ay narerelaks siya at nawawala ang mga problema.
**
MAG-AALAS singko na nang hapon nang magising si Arnald. Namimigat pa ang kanyang ulo dahil sa hangover. Maaga siyang kumalas sa inuman kanina. Nawalan na kasi siya ng ganang makipag-inuman dahil inabala na ng kanyang mysterious texter ang kanyang isip.
Pagbangon mula sa kama ay hinagilap niya kaagad ang kanyang cellphone. Binuksan niya ‘yun at may dalawang mensahe sa inbox. Ang isa ay kay Abner. May gimik daw ito kaya maagang umalis. Ang pangalawa ay ang kanyang mysterious texter. Simpleng mensahe lang. “Hi. Kumain ka na?” Tiningnan niya kung anong oras dumating ang message. Pasado alas dose kaninang tanghali. Tulog siya noon. Dahil sa message ay nakaramdam siya ng gutom. Hindi pa pala siya kumakain nang maayos mula pa kaninang umaga. Pulutan lang at alak ang laman ng kanyang tiyan.
Binuksan niya ang refrigerator at iniinit ang mga tirang ulam. Habang nakabantay sa niluluto ay sinubukan niyang tawagan ang mysterious textmate. Nag-ring sandali ngunit halatang pinatay nito ang cellphone. Lalong naging palaisipan sa kanya kung sino ito. Nagsandok siya ng pagkain at handa na sanang kumain nang may kumatok sa pinto. Binuksan niya iyon.
“Kayo ho pala, Aling Lita. Tuloy po kayo,” anyaya niya sa kumatok.
Si Aling Lita ay ang may-ari ng apartment. Mukha itong masungit dahil matandang dalaga. Sa edad na singkuwenta ay alam lahat ng tenant na hindi na ito nag-asawa mula nang mabigo sa unang pag-ibig. Usap-usapang muntik na itong magpakamatay noon. Kaya isinumpa na nito ang mga lalaki.
“Tuloy ho muna. Kukunin ko lang ho ang pera,” muli niyang anyaya rito. Schedule nga pala ng paniningil nito ng upa.
Walang sagot ang babae. Sa halip ay iginala nito ang tingin sa kabuuan ng sala at karugtong na kusina.
“Mabuti naman at hindi ako nagkamali sa inyo?” seryosong pakli ni Aling Lita habang iniikot ang maliit na kabuuan ng sala at kusina. Sinilip pati ang banyo.
“Ho?” napalingon si Arnald.
“Dati ay ayaw ko ng mga lalaking tenant. Salaula. Makalat,” sagot ni Aling Lita saka sumunod kay Arnald. Sumilip ito sa kanyang kuwarto. “Pero mukhang maayos naman kayo.”
“Di ba nga ho at ipinangako ko sa inyo na aalagaan namin itong apartment ninyo,” sagot niya habang kinukuha ang wallet sa nakasabit na pantalon. “Saka sa probinsya ho ay sadyang masinop kami sa bahay mula pagkabata. ‘Yun ang turo sa amin ng aming mga magulang. Napapalo kami kapag hindi maganda at malinis ang kabuuan ng aming bahay kahit munting dampa lang.”
“May isa lang ako hindi gusto!” Nakapameywang na hinarap ni Aling Lita si Arnald. Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo pababa. Ngunit halatang nailang at inilayo ang tingin nang dumako sa nakabukol niyang harapan. Naka-sando lang kasi siya noon at boxer shorts. Napalunok ang matandang dalaga dahil sa sobrang laking umbok sa harap ni Arnald.
“Ano ho ba ‘yun, Aling Lita?” lihim na napangiting tanong ni Arnald. Hindi nakaligtas sa matalas niyang pakiramdam ang reaksyon ng matanda. Sanay na siya sa mga babae at alam niyang may kiliting dulot ang malaki niyang kargada sa mga ito kahit nakaumbok pa lamang sa shorts niya o pantalon.
“Madalas daw may mga babaing natutulog dito. Sabi ng mga kapitbahay ninyo,” sita nito sa kanya.
“Hindi naman ho ninyo ipinagbawal ‘yung magdala ng babae. Saka mapagbigay lang ho talaga kami ni Abner sa mga babaing gustong lumigaya,” mariin at may kahulugang sabi ni Arnald. Pero malinaw niyang naipahatid sa kasera ang kanyang mensahe—na sana’y nakuha nito.
Tumaas ang kilay ni Aling Lita at saka inis na hinarap si Arnald na tila nakakaloko naman ang ngiti.
“Nabababoy ang bahay ko kaya ayaw ko ‘yun. May dalang malas!” mariin at pigil ang galit na sabi ni Aling Lita.
ITUTULOY