Skip to main content

Promdi (Part 14)

Nobela ni AMANDA

(Ika-14 na labas)

SINITA si Arnald ng kanilang kasera dahil sa pagdadala umano niya ng mga babae at bakla sa paupahang bahay nito.

“Aling Lita, relax. Puso n’yo ho.” Mabilis na kumuha ng softdrinks sa refrigerator si Arnald. “Palamig ho muna kayo.”

Walang imik na kinuha ng matanda ang ibinigay ni Arnald at saka ininom.  Sinamantala na niya ang pagkakataon. Pinakawalan na niya ang mga epektibong boladas niya sa mga matrona at bading.

“Alam n’yo, Aling Lita, maganda kayo at bata pa naman. Subukan ho ninyong umibig uli. Mawawala ho ang sungit ninyo. Nakakaalis ho ng stress ang sex, sabi sa magazine na nabasa ko,” payo niya rito.

Nanlaki ang mga mata ni Aling Lita sa narinig. Inilapag sa mesa ang softdrinks at saka nameywang na hinarap si Arnald. Pigil na pigil ang galit.

“Hoy! Wala kang pakialam sa personal kong buhay!” Mataas na mataas ang boses nito.

“Eh, bakit ho pinapakialaman ninyo ang personal kong buhay? Kasalanan ko ho ba kung babae na ang lumalapit sa akin?” ngingiti-ngiting sabi niya.

Lalong namula sa galit ang matanda. Dahil sa walang maisagot ay lalong nanginig si Aling Lita. May luhang pumatak sa mga mata nito. Hanggang sa tuluyan na itong napaiyak.

Naging maagap si Arnald. Kumuha ng malinis na towel. Ibinigay sa kanyang kasera at saka hinaplus-haplos ang likod nito.

“S-sorry ho,” puno ng pang-unawang sabi ni Arnald. “Ito nga ho pala ang bayad. Pasensiya na kayo at medyo late.”

Walang imik na kinuha ni Aling Lita ang pera at saka dali-daling umalis. Ni hindi na nagpaalam sa kanya.

Wala na ang matanda ay nakatayo pa sa pintuan si Arnald. Na-guilty siya sa nangyari. Pero nakakainis din naman kasi kung minsan si Aling Lita. Pati ba naman personal niyang buhay ay gustong pakialaman?  Sa tingin niya, ito ang tipo ng babaing maraming hang-ups sa buhay. Maraming gustong gawin pero pinipigilan ang sarili dahil sa mga self-imposed na rules.

Sayang din naman ang matanda. Mula nang mamatay ang mga magulang ay mag-isa na raw itong naninirahan sa katapat nilang subdivision. Malaki raw ang bahay nito sabi ng tsimosang kapitbahay na madalas kunin nitong tagalinis at tagalaba. May pera raw ang maga magulang kaya tinanggihan ang pobreng manliligaw ni Aling Lita noon. Dahil naman sa kabiguan ay hindi na nagpakita ang dating nobyo kaya nasaktan nang husto ang matandang dalaga, sanhi upang maging man-hater ito dahil hindi nga ito ipinaglaban ng lalaki sa mga magulang. Nagpakatandang dalaga na lang ito.

Malungkot na napailing ang binata at balak na sana niyang bumalik sa naudlot niyang pagkain nang mula sa malayo ay natanaw niya sina Jean at Cindy na papunta sa kanya.

“Kuya!” panabay at pasigaw na bati ng dalawa. Kumakaway. Tipikal na kilos bata talaga.

“Pasok kayo,” yaya ni Arnald sa dalawa. “Teka, ano ba ang gusto ninyong meryenda?”

“Kahit ano, Kuya,” sagot ni Cindy. Nang mapatingin ito sa pagkaing nasa ibabaw ng mesa ay halatang natakam ito. “Wow, fried chicken! Ito na lang, Kuya.”

Lumantak na ng kain si Cindy. Si Jean  naman ay ipinakita ang nabiling cell phone.  Eight Hundred pesos daw ‘yun sa mall. Saglit na tiningnan ni Arnald ang unit.

“Okey naman ang ganito,” aniya. Mukhang matibay naman at Pinoy-made pa.”

“Maraming salamat talaga, Kuya. Text-text tayo, ha?”

“Sure. I-save mo ang number ko.”

Tapos nang kumain si Cindy. “Ako, Kuya... kailan mo ako bibilhan?”

Saglit na nag-isip si Arnald. May pera pa sana siyang naitatabi pero pangdeposito niya sa bangko bukas. Pangako na kasi niya sa sarili na bawat linggo ay kailangang malagyan niya ang kanyang bank account. Isa pa ay gusto rin niyang makatiyak kung makukuha niya ang gusto niya sa dalawang ito. Kailangang masubukan muna niya si Jean bago siya gumastos ng panibago kay Cindy.

“Next week ay sure na ‘yun. May babayaran pa kasi ako,” pagdadahilan niya.

“Okey, Kuya. Aasahan ko ang promise mo, ha?”

“Oo naman...”

Habang kumakain si Jean ay sinabayan na ito ni Arnald. Kuwentuhang pambata at walang katuturan ang pinag-uusapan ng dalawang dalagita. Nag-iisip naman siya kung papasok ngayon sa bar o matutulog na lang. Mabigat pa kasi ang kanyang katawan. Masakit pa ang kanyang ulo.

“Kuya, saan puwedeng magbihis?” pakli ni Cindy.

“Diyan sa kuwarto. Pasensiya ka na at medyo magulo.” 

Nang nasa kuwarto na si Cindy ay hinarap niya si Jean.  Ngunit tila hindi gumagana ang kanyang mga magic dialogue ngayon. Wala siyang masabi.

“Kuya, bakit ang bait mo sa akin?” si Jean ang bumasag ng katahimikan.

Natawa si Arnald sa hindi inaasahang tanong. Nag-isip muna siya ng maisasagot.

“Type mo ba ako, Kuya?” walang gatol na tanong ni Jean. 

Nanlaki ang mga mata ni Arnald.

“Wow! Ganyan na bang mga kabataan ngayon? Prangka!” naiiling niyang sambit.

“Oo. Pag type namin ang guy. Ngayon daw kasi, men and women are equal in everything. So, kung puwedeng manligaw ang lalaki, puwede rin kami,” seryosong sagot ni Jean.

Naisip ni Arnald, nagiging mapusok ang mga kabataan dahil na rin sa napapanood sa TV, internet at nababasa sa magazine.

Naudlot ang kanilang pag-uusap nang lumabas na si Cindy sa kuwarto. Naka-shorts na ito ng maong na medyo hapit at kulay itim na pang-itaas.

Sexy nga si Cindy. Makinis ang hita at binti. Hindi nagpahalata ng paghanga rito si Arnald.

“Magtatagal ka pa ba,  Jean? May lakad pa kasi ako, eh,” tanong ni Cindy sa kaibigan.

“Mauna ka na kaya. Malapit lang naman kasi ako dito. Saka nag-uusap pa kami ni Kuya.”

“Okey, sige. Enjoy...” Makahulugan ang ngiti ni Cindy nang magpalipat-lipat ang tingin kina Jean at Arnald. “Gigimik muna ako. Mukhang istorbo lang ako sa inyo, eh!” Humagikhik ito.

 

ITUTULOY