Skip to main content

Promdi (Part 16)

Nobela ni AMANDA

(Ika-16 na labas)

MARAMING tao nang umagang iyon sa sangay iyon bangko sa Quezon Avenue kung saan siya may account. Naupo si Arnald sa isang tabi pagkatapos kumuha ng number.  Sinulyapan niya ang katabi niya. Naka-long sleeves ito at tipong empleyado. Tahimik lang tulad din ng nasa dakong kaliwa niya. Dito pala sa Maynila, kahit katabi mo na ay mahirap pa ring magbukas ng usapan. Hindi tulad sa probinsiya, na umupo ka lang sa tindahan ni Aling Bebang ay huntahan na kaagad kahit hindi mo pa kilala. Iba talaga sa siyudad. Matataas ang mga building, at mapagmataas din ang mga tao.

Idinako niya Anald ang tingin sa mga empleyado ng bangko. Nakadama siya ng lungkot at panghihinayang. College graduate din naman siya na tulad nila. Minsan ay naiinggit din siya sa mga naka-coat and tie na empleyado. Parang napakadisente kasing tingnan. Pero batid ni Arnald na may mga madidilim ding lihim ang mga ito, one way or another. Ngayon lang kasi niya napagtatanto na ang tao ay maraming balatkayo.

Tulad ng mga nakakasalumuha niya sa bar. Lalaking-lalaking tingnan ang iba pero bading pala. Disenteng mayayaman at may pinag-aralan pero kung kailan tumanda ay saka naging tila hayop sa libog, tulad ni Mrs. Sison.

Ang sex ay isa sa pangunahing pangangailangan ng katawan ng tao. Hindi ka normal kung hindi ka makakaramdam ng pagnanasa. Pero ang iba, kiyeme dahil sa mga self-imposed discipline o kaya’y dahil sa kanilang social orientation.

Isang empleyada ng bangko ang pumukaw sa paghanga ni Arnald. Hindi ito gaanong maganda sa biglang tingin. Hindi rin sexy pero kapag ngumingiti ay hindi puwedeng balewalain. Habang tinititigan niya ito nang matagal ay lalong gumaganda ang babae. Maputi at mukhang Chinese. Masayahin ito. Madaldal. Nakikipagkuwentuhan sa mga costumers habang ina-assist ang mga ito.

May kakaibang pang-akit ang babae. Isang tagong appeal na bihirang makita sa mga babae. May magaganda kasi sa biglang tingin pero wala ang sinasabing animal appeal.

“Next...” sabi ng babae nang matapos ang huling costumer.

Napatingin si Arnald sa monitor. Number na pala niya. Tumayo siya at tinungo ang counter. Titig na titig pa rin siya sa teller.

“Good morning, sir. Welcome to our bank,” nakangiting  bungad ng teller.

“Same to you,” tila may bumikig sa kanyang  lalamunan. Iniabot niya ang bank book at pera.

“Mr. Arnald Lopez?” Binasa ng teller ang nakapangalan sa bankbook.

“Ngayon lang yata kita nakita. Bago?” tanong naman niya rito.

“Bagong lipat,” masayang sagot ng babae. “Galing ako sa main office.”

“Gano’n ba? Bakit sila may name tag. Ikaw ay wala?” Dumako ang tingin ni Arnald sa dibdib ng teller. Eksakto sa kambal na bundok nito.

“Ay, sori! I forgot. Late na kasi ako kanina kaya di ko na nailagay. Thanks for reminding me.”  Inilapag muna nito sa mesa ang bank book niya. Kinuha sa drawer ang name plate nito at ikinabit sa uniform. “O, ayan...” nakangiting baling nito kay Arnald pagkatapos ikabit. “Gusto mo lang yatang itanong ang name ko. I’m MaryAnn Sison,” dagdag-biro pa nito.

Natawa si Arnald sa pagiging prangka nito. “Bakit mo nahulaan? Baka puwedeng makuha na rin ang phone number mo?” 

“Sure.” Kumuha ng calling card si Mary Ann at iniabot sa kanya.

Masaya sana ang kanilang kuwentuhan ngunit dahil marami pang nakapila ay nagpaalam na si Arnald kay Mary Ann pagkatapos ng kanyang transaction. Nasa labas na siya nang muling tingnan ang ibinigay na calling card ng dalaga. Ngayon lang niya napuna ang apelyido nito. Mary Ann Sison. Pumasok sa isip niya si Mrs. Sison. Hindi kaya magkamag-anak ang dalawa?

Nilakad na lang niya mula sa bangko papuntang village kung saan naroroon ang bahay ni Aling Lita, ang kanilang kasera. Nag-isip siya ng idadahilan kung bakit siya pumasyal. Isang malaking bungalow na old style ang bahay nito. Nag-doorbell siya.

Maluwang ang bakuran. May mga malalaking puno ng mangga at kung anu-ano pa. Bumukas ang main gate. Si Aling Lita mismo ang nagbukas. Rumehistro ang pagkagulat sa mukha nito nang mapagsino si Arnald. Gayunpaman ay pinagbuksan siya nito ng gate.

“Magandang umaga po!” bungad na bati niya rito.

“Bakit ka pumarito?” seryosong tanong sa kanya ni Aling Lita. “Anong masamang hangin ang nagtaboy sa ‘yo?”

“Napadaan lang po. Saka gusto ko sanang humingi ng paumanhin sa nangyari kahapon,” matapat niyang sambit.

“Marunong ka bang magkumpuni ng lababo? Barado kasi ang lababo ko.” Iba ang naging sagot ni Aling Lita. “ Di ko naman makontak ang tubero ko.”

“Susubukan ko po.”

Pagkatapos ituro kay Arnald ang kukumpunihin niya at ang kinaroroonan ng toolbox ay nawala na si Aling Lita. Sa laki kasi ng bahay ay mahirap hulaan kung saan ito sumuot. Ang lababo ay nasa dirty kitchen. Iyon ang tawag ni Aling Lita kanina sa bahaging iyon ng bahay. Dirty kitchen. Nag-isip siya. Bakit kaya tinawag itong dirty kitchen ay malinis naman? Malaki. Kaya nga lang ay nasa labas ng kabahayan.

Iba talaga sa Maynila, naisip na naman niya. Iba ang mayayaman. Kusina pa lang ay mas malaki na sa buong kabahayan nila sa probinsiya. At ang kitchen nila ay talagang dirty dahil mauling ang mga kaldero. Kahoy kasi ang ginagamit na panggatong.

Ayaw ngang bumaba ng tubig sa lababo. Sinilip niya ang ilalim. Bagama’t walang karanasan sa pagtutubero ay common sense lang naman ang ganitong trabaho. Barado kaya kailangang alisin ang bara. Binuksan niya ang dugtungan ng tubong nakakabit sa lababo. Maraming nakabarang kung anu-ano. Mabaho ang amoy. Pagkatapos alisin ay ibinalik niya ang dugtong. Sinubukan niya uli. Umagos na ang tubig.

Naglinis ng katawan ang binata at eksaktong tapos na siya ay lumabas si Aling Lita. Iba na ang suot nito. Hindi tulad kanina na duster na maluwang at pambahay lang. Ngayon ay shorts at puting T-shirt. Gayunpaman ay tipikal pa ring conservative ang shorts dahil halos hanggang tuhod ito. Ang mahabang buhok ay naka-ponytail. Wala ang salaming parang  pangmatandang teacher.

Lihim na napangiti si Arnald. May dating din pala ang matandang dalaga. Kung mabibihisan siguro ito ng uso ngayon ay malamang na lilitaw ang itinatagong ganda nito.

“Tapos na po. Hindi na barado ang lababo n’yo,” nakangiti niyang sabi sa kasera.

 

ITUTULOY