Promdi (Part 17)
Nobela ni AMANDA
(Ika-17 labas)
SINABI ni Arnald kay Aling Lita na tapos na niyang makumpuni ang baradong lababo.
“Sumunod ka sa loob. Dito ka na kumain,” seryoso pa ring sabi ng matanda saka tumalikod.
Sinundan ni Arnald ng tingin ang matanda. May hubog pa rin pala ang katawan ni Aling Lita. Buung-buo pa ang bumper at pang-upo palibhasa kasi’y hindi pa nagkakaanak. Naging palaisipan tuloy sa kanya kung virgin pa ba ito o hindi na. Siyempre ay istrikto ang parents nito. Malamang na hindi man lang nakaiskor ang naging boyfriend nito. Idagdag pang noong unang panahon ay konserbatibo pa ang pananaw ng mga tao, pagdating sa sex. Minsan nga ay kasal na ay wala pa ring namamagitan dahil nga naiilang pa rin ang mag-asawa sa isa’t isa. Sabi kasi ng matatanda sa kanila noon, ang sex ay isang kasalanan sa pananaw ng mga nabuhay noong dekada otsenta pababa. Hindi tulad ngayon sadyang napakapusok na ng mga kabataan sa bagong henerasyon.
Naalala pa niya noong bata pa siya, mga matatanda lang ang patagong nakakapagkuwento ng tungkol sa sex. Halatang naiilang pa. Ang mga bata ay bawal sumabat sa usapan dahil tiyak na makukurot nang pino sa tagiliran.
May nakahanda ng pagkain sa pabilog na lamesa. Malamlam ang ilaw kaya lalong natakam si Arnald sa mga pagkaing nakahanda.
“Birthday n’yo po ba, Aling Lita?” tanong ni Arnald upang basagin ang katahimikan ng matanda.
“Maupo ka na,” iba uli ang sagot ni Aling Lita.
Bagama’t naiilang ay umupo na si Arnald. Hinintay niya si Aling Lita na maunang kumuha ng pagkain. Kumuha siya ng konti bagama’t mukhang masasarap ang mga pagkaing ngayon pa lamang niya matitikman.
Tahimik siyang kumain. Tahimik din si Aling Lita kaya hindi na niya sinubok magbukas ng usapan. Tanging mga tunog lamang ng plato at kubyertos ang maririnig. Iba talaga ang mga mayayaman. Kahit sa pagkain ay disente ang subo. Hindi tulad nila na talagang lantak kung bumira ng kain.
Natapos ang mahabang katahimikan nang tumayo si Aling Lita. Tumayo na rin si Arnald na kanina pa tapos kumain. Ipinasya niya na magpaalam na sa kasera. “Magpapaalam na po ako, Aling Lita. Salamat po sa pagkain.”
Halatang hindi inaasahan ni Aling Lita ang agarang pagpapaalam ni Arnald. Gayunpaman ay maagap itong nakabawi. “Bakit, may lakad ka ba? Akala ko ay panggabi ang trabaho mo?”
Hindi inaasahan ni Arnald na alam pala ni Aling Lita ang trabaho niya. Ngayon lang niya naisip na tsismosa nga pala ang kapitbahay nila at tiyak na iyon ang nagkuwento sa kanyang kasera kung ano ang trabaho nila ni Abner.
“Oo nga po, panggabi... Kaya lang...” hindi niya maituloy ang sasabihin.
“Sandali. May ibibigay ako sa ’yo.” Mabilis na tumalikod si Aling Lita. Pumasok sa isang silid. Naiwan sa sala si Arnald. Unti-unting nagiging palaisipan sa kanya ang soltera. Hindi naman nagtagal ang matanda. Nang lumabas ito ng silid ay may dala ng isang plastic bag.
“Tanggapin mo ito.”
Atubiling tinanggap ni Arnald ang plastic bag. Sinilip niya ang laman. Mga sabon at pabango iyon.
“Pasalubong ‘yan sa akin ng mga kamag-anak ko sa America. Ipinamimigay ko naman sa mga kaibigan ko,” paliwanang ni Aling Lita.
“Thank you po. Tutuloy na po ako.”
Tila napapaso ang pakiramdam niya sa kabaitang ipinapakita sa kanya ni Aling Lita. Para kasing naninibago siyang tumanggap ng regalong wala naman siyang ibinigay na kapalit. Sanay kasi siyang tumanggap ng regalo mula sa mga customers pero hindi niya alintana ang mga iyon dahil para sa kanya ay bonus niya ‘yun kapalit ng serbisyo niya sa mga ito sa kama. Iba si Aling Lita. Parang napakataas ng respeto niya rito. Nakakailang hakbang pa lamang siya papalayo nang muli itong magsalita.
“Sandali...” pigil nito sa kanya.
Lumingon siya. “B-bakit po?”
Lumapit sa kanya si Aling Lita. Walang kibong isiniksik sa bulsa niya ang tiniklop na pera.
“P-para saan po ito?” takang tanong niya.
“Bumalik ka bukas kung wala kang gagawin. Magpapatulong akong linisin ang mga sanga ng mga puno. Sininisira ang aking bubong,” anito.
Sinundan ni Arnald ang tinanaw ni Aling Lita na mayayabong na sanga ng puno sa labas.
“Sige po. Maraming salamat uli.”
Nilakad na lamang niya ang pabalik sa apartment. Malapit na lang naman kasi. Habang naglalakad ay iniisip pa rin ni Arnald si Aling Lita. Nahihiwagaan siya sa pagiging misteryosa ng dating nito.
Maya-maya ay sunud-sunod ang nagingtunog ng kanyang cellphone. Kinuha niya iyon sa kanyang bulsa. Nalaglag ang perang isiniksik ni Aling Lita na sadyang nawala na sa kanyang isip. Dalawang limandaang piso. Hindi makapaniwala si Arnald.
Binasa niya ang mga text sa kanyang cellphone. Ang isa ay mula kay Jean. Simpleng “morning hon.” Ang sunod ay “Papasok na po ako, ingat ka po. Mis u.” Napailing na napangiti si Arnald. Feeling sila na talaga ang dalagita.
May dalawang messages din mula sa kanyang mysterious textmate. Ang isa ay simpleng “morning... muzta” at ang pangalawa ay tanong: “Puwede ba tayong magkita sa Cubao?”
Bumilis ang tibok ng puso ni Arnald. Sinagot kaagad niya iyon. Itinanong niya kung anong oras at kung saan. Ilang sandali siyang naghintay. Walang reply. Sinubok niyang tawagan. Cannot be reach uli. Saglit siyang nadismaya. Pero okey lang ‘yun, at least ay gusto na nitong makipagkita kung sino man iyon.
May limang missed call din mula kay Mrs. Sison. Ipinasya niyang mag-return call. Ngunit cannot be reach na ang matanda.
Dumiretso na ng uwi sa apartment si Arnald. Tulog na tulog na si Abner. Nagluto muna siya ngunit madalas tingnan ang cellphone kung may bagong mensahe. Wala. Excited siyang malaman kung saan at kung anong oras sila magkikita ng mysterious textmate niya. Ano kaya ang itsura nito? Totoo kayang maganda? Maraming naglalarong tanong sa kanyang isipan tungkol dito. Paminsan-minsan ay tinatawagan niya ito ngunit hindi talaga niya makontak.
ITUTULOY