Skip to main content

Promdi (Part 18)

Nobela ni AMANDA

(Ika-18 labas)

SINIGANG na baboy ang niluluto ni Arnald para sa tanghalian nila ni Abner. Kulang ang asim kaya ipinasya niyang bumili ng sinigang mix sa tindahan. Pinatay muna niya ang kalan at kinuha ang wallet. Kumukuha siya ng perang pambili nang makita niya ang calling card ni Mary Ann Sison. Kinuha niya ang number nito at inilagay sa kanyang phonebook. Napatingin siya sa oras. Mag-aalas dose na. Ipinasya niyang tawagan ang magandang teller mamaya. Sumaglit siya sa tindahan at saka tinapos ang pagluluto.

Tulog pa rin si Abner kaya ipinasya niyang  mauna nang kumain. Habang nanonood ng TV ay sinubok niyang i-text si Mary Ann. “Can I call you?” saka siya nagpakilala. Hindi niya inaasahang magre-reply kaagad ito kaya naman nagulat pa siya nang sa halip na mag-reply sa text ay tumawag ito.

“Yes, sir? May problema po ba ang account ninyo?” malambing na tanong nito sa kabilang linya.

“W-wala naman.” Nakaramdam ng lakas ng loob ang binata. “Itatanong ko lang sana kung nag-lunch ka na.”

“Wow! Ang sweet mo naman, sir. Napaka-thoughtful. Actually kakakain ko pa lang. Kayo po, kumain na ba?”

Ikaw sana ang gusto kong kainin, ibibiro sana niya rito. Pero naisip niyang napakaaga pa para maging pilyo. “Oo, tapos na rin.”

Nabaling sa kaswal na usapan ang kanilang conversation. Ngunit alam ni Arnald na may oras ito sa opisina na hindi puwedeng istorbohin ng personal na tawag. Sasamantalahin na niya ang pagkakataon.

“Puwede ba kitang maimbita minsan. Let’s say dinner...”

Humagikhik sandali si MaryAnn. “Parang alam ko na ang kasunod niyan. Dinner tapos, liligawan mo ako. Hay, naku... pare-pareho talaga kayong mga lalaki.”

Nagulat siya sa pagiging prangka nito. “So, hindi puwede?”

“Depende.”

Nag-isip siya sandali. Walang maisagot.

“Depende kung may girlfriend ka o wala.” Si Mary Ann na ang nagdugtong.

“Wala. Wala akong girlfriend,” maagap niyang sagot.

Sandaling katahimikan. “Well... puwede ako mamayang after office hours.”

Napalundag siya sa tuwa. “Yes! See you then.”

Nang matapos ang kanilang pag-uusap ay hindi pa rin makapaniwala si Arnald. Mukhang sinusuwerte siya ngayon. Kung sabagay ay wala naman siyang ipinagkaiba sa ibang negosyante. Iyon nga lang, katawan ang kanyang ikinakalakal. Sex ang ibinebenta niyang serbisyo. Ang suwerte niya ngayon ay nangangahulugan lang na maganda ang takbo ng kanyang negosyo. In demand ang kanyang produkto. Ang kanyang manoy.

Pero iba si Mary Ann. Puwede itong pampalit kay Judith. May pinag-aralan. Maganda. Maputi. Mga katangiang pangarap niya sa isang babaing pakakasalan.

Saglit siyang natigilan.

Bakit ganoon?

Si Judith pa rin talaga ang palaging batayan niya sa pagpili ng babae. Ibig bang sabihin ay hindi pa rin siya nakaka-move on sa sinapit na kasawiang dulot ng pagiging salawahan nito?

Muling tumunog ang kanyang cellphone. Si Mrs. Sison ang tumatawag. Mabilis nang nagpasya si Arnald. Hindi niya sinagot ang matanda. Hinayaan na lang niya ito. Magdadahilan na lamang siya bukas. Sasabihin niyang naiwan niya ang kanyang cellphone kaya hindi niya nasagot ang tawag nito.

Tumigil din ang pagri-ring pagkatapos ng tatlong tawag. Pero may kasunod na text. “Saan ka ba ngayon? Bakit ayaw mong sumagot. Letse!” Ramdam niya ang galit ng matanda. Kinabahan si Arnald.

Sayang ang kotse, naisip niya. Mukhang mapupurnada. Bahala na. Ayaw kasi niyang makausap muna ang matanda. Mahirap na. Baka humirit ito at papuntahin siya sa condo. Baka gahulin siya ng oras sa date nila ni Mary Ann mamaya.

Matindi ang tama niya sa teller. Ayaw na niyang palagpasin ang pagkakataon.

Muling tumunog ang kanyang cellphone. Text lang. Binasa niya. Mula sa kanyang mysterious textmate. Anang mensahe, “Alas dos. Sa Jollibee Cubao.” 

Naalala ni Arnald na maraming Jollibee sa Cubao. Nag-text back siya kung aling Jollibee. Maikli ang sagot. “Farmers.” Maikli rin ang kanyang reply. “K”.

Tiningnan niya ang oras. Dali-dali siyang nagbihis. Eksakto lang ang natitirang oras upang makarating siya ng Cubao. Sumakay kaagad siya ng bus. Menos  diyes para mag-alas dos nasa Jollibee Farmers na siya. Nag-text siya. “D2 na me. Wer na u?” 

Walang reply. Sinubukan niyang tumawag. Cannot be reach na naman.  Lalong naging misteryosa ang dating ng kanyang mahiwagang textmate. Hindi kaya niloloko lang siya nito?

Bahala na, naisip niya.

Mag-iisang oras na siya ay hindi pa rin niya ito makontak. Nakaramdam na siya ng inis. Lokohan yata ito. Nadagdagan ang kanyang inis nang muling tumunog ang kanyang cellphone at mapagsino ang caller. Si Mrs. Sison. Ito namang matandang ito, nakikipagsabayan pa sa hectic schedule niya. Hindi ba puwedeng mag-antay na lang ito na siya ang komontak? Hindi niya pinansin ang tawag. Hinayaan niyang magsawa ang matanda sa katatawag sa kanya.

Mahigit isang oras na siya sa Jollibee. Muli niyang sinubukang tawagan ang numero ng mysterious textmate niya. Nag-ring pero hindi siya sinagot. Pinutol ang tawag niya.

Naisip ni Arnald, lokohan na nga ito. Iritado na siyang lumabas ng fast food. Ngunit nag-text ito. “Pasens’ya na. Na-low batt. Naghanap pa na ng charging station. Wer na U?”

Ang tanga naman nito, naisip niya. Alam nang may lakad, hindi nag-charge bago umalis ng bahay. Bakit nga ba may mga taong ganito? Hindi ba nila alam na minsan sa kanilang katangahan ay nakakapandamay sila ng iba? Nakakaistorbo. Tulad ngayon.

“Dito Jollibee. Kanina pa,” maikli niyang reply.

“D2 rin me, kanina pa,” reply nito kaagad.

“Ano ba suot mo?” reply niya uli.

Nag-reply rin kaagad. Maong raw na pantalon. Pulang blouse. Bumalik siya sa Jollibee. Wala namang nakapula ng blouse. Itinanong niya kung saan nakaupo. Malapit raw sa counter. Wala siyang makitang nakaupo sa malapit sa counter. Itinanong niya kung nasa Jollibee Farmers nga ito. Oo raw. Naalala niya may Jollibee rin nga pala sa Farmers Market. Nag-text back siya kung may mga tindahan ba ng isda at karneng baboy. Oo raw.

Sus, nalintikan na, naisip niya. May pagkaengot pala itong mysterious textmate niya. Pero natigilan siya nang maisip na siya man ay engot din. Kasi hindi niya naisip na dalawa nga pala ang Jollibee sa Farmers. Siguro probinsiyano rin itong tulad niya. Nawala ang inis niya sa isiping iyon.

“Huwag kang umalis d’yan. Punta me d’yan,” text niya rito.

Naglalakad siya ay nakaramdam siya ng excitement dahil sa wakas ay makikilala na niya ang mahiwagang textmate.

 

ITUTULOY