Skip to main content

Promdi (Part 19)

Nobela ni AMANDA

(Ika-19 na labas)

HINDI naman nagtagal at natawid ni Arnald ang Farmer’s Market. Binaybay ang gitna na tagos hanggang doon sa Jollibee. Nasa labas pa lang siya ay hinahanap na niya ang naka-blouse ng pula. Nang pumasok siya ay nakita niya itong nakaupo sa malapit sa food counter. Nakatalikod pero parang familiar sa kanya ang likod nito. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. May dala itong isang malaking bag na nakapuwesto sa tabi nito.

Nang makalapit siya ay lumingon ito.

Nagulat siya nang makilala kung sino. “Rose?!” 

“H-hi!” Atubili ang ngiting bati nito.

“I-ikaw ang ka-text ko?”

“P-pasensiya ka na kung hindi kaagad ako nagpakilala. Dati kasi hindi ko pa alam kong makikipagkita ako sa ’yo o hindi.”

Napatingin siya sa dala nitong bag. Malungkot at halos mangilid ang luha ng dalaga.

“Umalis na ako kay Ma’am.”

“Bakit? Ano’ng nangyari. Pinalayas ka ba?” sunud-sunod niyang tanong.

“Mahabang kuwento. Saka hindi ko alam kong dapat mo itong malaman.”

Nakaramdam ng kaba si Arnald.  Pero hindi siya nagpahalata. “Ano’ng balak mo ngayon? Uuwi ka na ba ng Leyte?”

“Iyon nga kaya ako nakipagkita sa ’yo ngayon. Hihingi sana ako ng pabor. Kung puwedeng makitira muna sa inyo kahit isang linggo lang habang naghahanap ako ng trabaho. Wala naman kasi akong kamag-anak dito sa Maynila.”

Ayon kay Rose, ayaw nitong umuwi dahil hirap na hirap ang buhay nila sa probinsiya kaya kailangan nitong makahanap ng ibang trabaho. Marami pa sanang gustong itanong si Arnald ngunit nang masulyapan ang orasang nakasabit sa dingding ng Jollibee ay naalala niya ang usapan nila ni Mary Ann. Lihim niyang ikinatuwa ang gustong mangyari ni Rose. Ibig sabihin ay makakasama niya ito sa bahay. Siguradong magagawa na niya ang gusto niyang gawin dito.

Sumakay sila ng taxi papunta sa apartment. Habang nasa taxi ay nalaman ni Arnald ang dahilan ng paglayas ni Rose kay Mrs. Sison. Hindi lang pala siya ang lalaking pinapupunta ng biyuda sa condo. May isa pa na ang pangalan ay Rodel.

Minsan daw ay hiniling ni Mrs. Sison sa dalaga na mag-threesome din sila ni Rodel. Hindi raw pumayag si Rose. Mula raw noon ay palagi nang nagagalit dito si Mrs Sison.

Napailing si Arnald. Hindi pala niya solo ang biyuda. Kailangan na niyang makuha ang kotse. Kailangan na niyang madaliin ang mga balak niya rito. Baka maunahan pa siya si Rodel.

“Bakit sa akin pumayag kang makipag-threesome?” out of the blue ay naitanong niya kay Rose.

“Siyempre, kailangan ko ng malaking pera noon,” maagap na sagot nito.

“Ah, akala ko ay dahil type mo rin ako,” natawa siya sa sinabi.

“Naku... hindi, ah!”  paiwas nitong sagot.

Pakipot talaga ang babaing ito, naisip niya. Pasasaan ba at matitikman din niya ito. Lihim siyang napangiti.

“Hoy! Alam ko ang ngiti mong ‘yan. Baka iniisip mo na dahil makikitira ako sa ’yo, magagawa mo na ang gusto mo. Hindi! Magbabayad ako ng upa. Huwag kang mag-alala,” mataray na sita nito sa kanya.

“Wala akong iniisip na ganyan,” pangiti-ngiting sagot niya.

“Mabuti na ‘yung nagkakaintindihan tayo!” mataray pa ring sambit nito.

Saglit na namagitan ang katahimikan. Si Arnald ang bumasag niyon.

“Guwapo ba ‘yung Rodel?”

“Guwapo. Matangkad. Mas maputi at mas guwapo sa ’yo,” tuwirang sagot ni Rose. “Alalay lang ang dating mo sa kanya. Alalay niya.”

“Eh, bakit hindi ka pumayag, mas guwapo pala?”

“Sa ayaw ko, eh. Bakit ba ang kulit mo?” galit na ang dalaga. Lalong namula ang pisngi.

Bago pa nakasagot si Arnald ay nasa tapat na pala sila ng apartment. Pinara niya ang taxi. Binitbit ang mga bagahe ni Rose. Kasunod niya ang dalaga nang pumasok sa loob.

“Pasensiya ka na. Dalawa lang kasi ang kuwarto. Tig-isa kami ni Abner, pinsan ko. Dito ka muna sa kuwarto ko. Sa sofa na lang ako matutulog.”

“Hindi kaya nakakahiya naman ‘yun? Ako na lang dito sa sofa.”

Hindi na nakipagtalo si Arnald. May text na kasi si Mary Ann. Nagtatanong kung matutuloy sila. Malapit na raw itong lumabas ng bangko. Nag-reply siyang on the way na siya.

“Dito ka muna. May lalakarin lang ako,” paalam niya rito.

Bago nakasagot si Rose ay lumabas si Abner sa kuwarto. Pinagkilala niya ang dalawa.

“Hindi ka ba papasok sa opisina?” alanganing tanong ni Abner.

“Ulol, anong opisina?” natatawang sagot ni Arnald. “Huwag kang mag-alala. Alam ni Rose na gay bar ang pinapasukan natin.”

Natawa si Abner. Ugali na kasi nilang magbalatkayo sa harap ng ibang tao. Ang tawag nila sa gay bar ay “opisina” kapag may kaharap silang ibang tao.

“Hindi muna. May lalakarin muna ako.”

Hindi na nagtanong pa si Abner. Tumuloy na ito sa banyo para maligo.

“O, bahala ka na muna rito,” baling niya kay Rose.

Paglabas ng apartment ay nagmamadali siyang nag-abang ng traysikel at nagpahatid sa bangko. Habang nagbibiyahe ay nag-uumapaw ang galak na nararamdaman niya. Kapag sinusuwerte nga naman, buhos talaga. Parang ulan.

Tamang-tamang papalabas na ng bangko si Mary Ann nang dumating siya. Ipinakilala siya nito sa mga kaopisina.

“Ikaw talaga, girl... May itinatago ka pala, ha? In fairness... may dating!” prangkang sabi ng isa.

“Saan ka nagwo-work, Arnald?” tanong ng isa pa.

Hindi niya inaasahan ang tanong kaya halos mabulol siya sa kanyang sagot. “M-may business ako. Buy and sell.”

Mabuti na lamang at mukhang napaniwala naman niya ang mga ito. Hindi nagtagal ay sumakay na ito sa kani-kanilang kotse.

“May dala ka bang car?” tanong ni Mary Ann.

Hindi uli inaasahan ni Arnald ang tanong na ‘yun. Gayunpaman, ipinasya niyang maging matapat.

“Hindi ako marunong mag-drive kaya hesitant pa akong bumili ng car. Mag-taxi na lang tayo.”

Natawa si Mary Ann. “Para ka palang ang kuya ko. Nagka-phobia kaya takot sumubok mag-drive. Hindi bale, tuturuan kitang mag-drive if you want. Anyway, ‘yung sa akin na lang ang gamitin natin.”

Isang modelong Honda Civic ang kotse ng dalaga. Magaling itong magmaneho. Naisip ni Arnald na panahon na para matuto siyang mag-drive. Una,  upang makuha na niya ang kotseng ibibigay ni Mrs. Sison. Pangalawa, para hindi naman nakakahiya na babae pa ang nagda-drive para sa kanya.

Tinantiya niya ang pera niya ngayon sa bangko. Puwede na niya iyong ibili ng second hand na kotse kung sakali mang hindi matutuloy na bigyan siya ni Mrs. Sison. Mukhang malabo na kasi, lalo pa’t nalaman niya mula kay Rose na may isa pa pala itong retainer na call boy.

 

ITUTULOY