Promdi (Part 20)
Nobela ni AMANDA
(Ika-20 labas)
SA ISANG Chinese restaurant sa bandang Timog Avenue, Quezon City sila pumunta ni Mary Ann. Nakapunta na siya rito, kasama si Abner. Blowout niya sa kanyang sarili noong nakaraang birthday niya. Ipinangako rin kasi niya sa sarili na kailangan din niyang masubukan ang lahat ng mga napupuntahan ng mga may pera. Medyo mahal nga lang ang pagkain dito pero sulit naman.
“Siguro madalas ka rito. Dito mo ba dinadala ang lahat ng dates mo, ano?” nakangiting tanong ni Mary Ann kay Arnald.
Natawa siya sa tono ng tanong ng dalaga. “Actually, ikaw pa lang ang dinala ko rito. Bago lang ako rito sa Maynila.”
Habang kumakain ay nagkuwentuhan sila ni Mary Ann. Magaang kausap ang dalaga. Prangka pero hindi nakakailang. Nalaman ni Arnald na may negosyo ang pamilya nito. Malaking furniture company. May factory sa Novaliches at may mga branches sa Manila at Quezon City. Ang kuya nito ang namamahala. Ang isang kapatid na babae ay may travel agency.
Hindi pa masyadong malinaw kay Arnald kung ano ang travel agency. Wala siyang ideya sa ganitong uri ng negosyo pero hindi siya nagpahalata.
“Ikaw, ayaw mo bang gumaya sa mga kapatid mo na nagnenegosyo?” ungkat niya rito.
“Hindi muna sa ngayon. Kumukuha muna ako ng experience kaya nag-empleyado muna ako sa banko. Ano nga pala ang particular na negosyo mo?” tanong naman nito sa kanya.
Mabilis na nag-isip ng alibi ang binata.
Kapag may gamit kang balatkayo, handa ka na sa mga maaaring mangyari. Tulad ngayon. Kailangan niyang humabi ng mga kasinungalingan upang maging maayos ang impression sa kanya ni Mary Ann o ni Ann, kasi iyon daw ang tawag rito ng mga kaibigan at katrabaho.
“Namimili ako ng mga murang cellphone at computer dito sa Maynila at dinadala ko sa Bikol. May mga ready buyers na ako roon. Usually, mga maliliit na kumpanya,” pagkukuwento niya bagama’t tila may bumibikig sa kanyang lalamunan dahil sa mga sinasabing kasinungalingan. Ang maganda lang pala sa tulad niyang mapagbalatkayo, nagiging imaginative at ngayon lang niya naisip, bakit nga ba hindi niya subukan ang ganoong negosyo tutal ay may naipon na rin naman siyang puhunan?
“Wow! Ang galing naman!” namilog ang singkit na mga mata ni Ann sa habing kuwento ni Arnald.
One point, naisip niya. Sa uri ng trabaho niya na kung sinu-sino na ang nakakasalamuha at naikakama ay batid na ni Arnald na bawat babae pala ay may weakness. Kailangang makuha mo ang kahinaan nito. Ang iba ay nagmamahal dahil sa tukoy na dahilan. Hula niya, ang mga tulad ni Ann na may dugong intsik at negosyante, malamang na weakness nito ang mga lalaking may diskarte sa negosyo.
Bagama’t scripted ang kanyang kuwento ay napaniwala niya ang dalaga. Kung saan-saan pa nagawi ang kanilang usapan habang kumakain. Lubha silang nalibang. Si Ann ang unang nakapuna ng oras.
“Naku, late na pala. May pasok pa ako bukas.” Bumakas ang pagkabahala sa maamo nitong mukha.
Kinuha ni Arnald ang chit.
“Share tayo sa bayad,” maagap na sambit ni Ann at umakmang kukunin ang wallet.
“No. Ako ang nag-invite. Treat ko ito.”
Natawa si Ann. “Probinsyano ka nga. Masyadong gentleman sa pakikipag-date. Hindi na uso ngayon ‘yan. We both enjoyed the food, dapat lang na hati rin tayo sa gastos. Pero pagbibigyan kita ngayon. Next time ako naman.”
Binayaran ni Arnald ang bill. Marami pa pala siyang hindi alam sa kaugalian ngayon ng mga modernong babae. Pero naisip niya, bakit naman ang mga bading at matrona, pareho naman silang nag-e-enjoy sa sex pero ang mga ito ang nagbabayad sa kanya?
Magalang na tumanggi si Arnald nang mag-alok si Ann na ihatid siya. Abuso na siguro kung magpapahatid pa siya. Isa pa, hindi puwede kasi baka makita nito si Rose sa apartment. Muling naging excited ang binata. Nang makaalis si Ann ay bumalik siya sa loob ng restaurant at nagpa-takeout ng fried chicken para iuwi kay Rose. Pumara siya ng taxi at magaan ang pakiramdam na umuwi.
Inabutan niyang nanonood ng TV si Rose. Hindi pa ito kumakain pero nakapagluto na. Marami na ring nabago sa itsura ng apartment. Wala na ang mga kalat. Malinis na rin ang mga pinagkainan nila ni Abner.
“Naiinip ako kanina kaya pinakialaman ko na ang paglilinis,” sabi ni Rose habang inihahanda ang hapag-kainan.
Bagama’t busog na busog ay sinabayan pa rin niya si Rose. Wala silang imikan sa umpisa. Nagkakailangan. Naisip niya na masarap sigurong maging asawa ang dalaga. Masinop sa bahay. Pero hindi ang tipo nito ang gusto niyang mapangasawa. Pero gusto niya itong matikman.
“Bakit hindi ka na pumupunta sa condo ni Ma’am?” Si Rose ang bumasag sa katahimikan.
Nagulat si Arnald sa tanong nito. Bakit nga ba?
“Hindi na niya ako tinatawagan,” pagsisinungaling niya. Pero hindi nga ba tinatawagan siya nito kanina? Naisip niya na tawagan ang matrona mamaya pagkatapos nilang kumain. Magpapaliwanag siya kung bakit di niya nasagot ang mga missed calls nito kanina.
“Kasi nga may bago siyang kinahuhumalingan. ‘Yung Rodel,” pagdidiin ni Rose.
Nasaling ang ego ni Arnald. Nakaramdam siya ng kirot sa dibdib. Ganoon pala ‘yun. Kahit hindi mo naman mahal ang isang babae ay parang nakakainsulto rin ‘yung bigla ka na lang papalitan ng ibang lalaki. Napailing siya. After all, tao rin siya na marunong masaktan.
“Ano’ng plano mo?” tanong ni Rose na noo’y nagliligpit na ng pinagkainan nila.
“Plano saan?”
“Kay Mrs. Sison.”
Natawa si Arnald sa tanong ni Rose. Ano ba ang puwede niyang maging plano. Kung baga sa room for rent, expired na ang kontrata niya. Sayang ang kotse, naisip niya.
“Trabaho lang ‘yun. Walang personalan,” tipikal na escape goat ng isang taong nawalan.
“Sabi ni Abner, college graduate ka raw. Bakit hindi ka maghanap ng matinong trabaho na kahit maliit ang sahod, disente naman?”
“Wow, para kang madre kung mangaral. At marami na palang naikuwento si Abner tungkol sa akin,” may himig sarkasmo ang sagot niya rito.
END OF BOOK II
(To be continued)