Promdi (Part 6)
Nobela ni AMANDA
(Ika-6 na labas)
NANANAKIT ang buong katawan nang magkamalay si Arnald sa loob ng kulungan kinabukasan. Mabuti na lamang at hindi nagsampa ng demanda ang may-ari ng club, at naawa naman ang mga pulis nang imbestigahan siya kung bakit siya nagwala sa club. Ikinatwiran na lamang niyang may dinadala siyang matinding problema, at ang nangyari ay dahil sa sobrang kalasingan.
“Pasensiya na ho talaga, tsip,” pagmamakaawa niya sa pulis. “Babayaran ko na lang ho ang mga nabasag.”
“Actually wala namang gaanong danyos. At suwerte mo’t hindi na nagdemanda ang may-ari ng club. Pero ito lang ang maipapayo ko sa iyo. Bata ka pa at may pinag-aralan pala. Huwag mong sayangin ang buhay mo. Pasalamat ka at naagaw ng mga bouncer ang isang kutsilyo na isasaksak sana sa ’yo ng costumer na una mong sinuntok.”
Abut-abot ang pasasalamat ni Arnald sa mga pulis nang palayain siya. Kahit nananakit ang katawan ay dumiretso na siya sa bus terminal. Babalik na siya sa Maynila at ipinangako niya sa kanyang sarili na hinding-hindi na siya uuwi ng Bicol. Ililibing na niya sa limot si Judith at ang kataksilan nito. Ngunit kasabay ng pangakong iyon ang isang masidhing pangako sa sarili. Magbabayad ang lahat ng babaing dadaan sa kanyang buhay. Wala siyang seseryosohin sa mga ito. Paluluhain din niya ang mga ito dahil para sa kanya, ang lahat nang babae ay taksil at hindi mapagkakatiwalaan.
Ibang Arnald na siya mula sa araw na ito...
**
WALA nang kiyeme kung maghubo’t hubad si Arnald sa ibabaw ng stage. Ipinasya niyang tuluyan nang sumama kay Abner bilang macho dancer. Kinalimutan na rin niya ang paghahanap ng matinong trabaho. Noong una ay sinubok niyang maghanap at muntik na rin sana siyang matanggap ngunit nang pag-usapan na ang sahod ay nagdalawang-isip siya. Mag-uumpisa siya sa minimum wage na hindi pa nga aabot ng sampung libo isang buwan. Sa gastos lang sa damit, pamasahe at upa sa bahay ay kulang pa. Samantalang saglit lamang niya kung kitain ang halagang iyon sa pagsasayaw. Nakakapag-uwi siya ng tip gabi-gabi na hindi bumababa sa one thousand pesos. Kung Sabado ay nasa dalawang libo. Sa kanyang pagsusuma ay puwede siyang kumita ng mahigit thirty thousand pesos buwan-buwan. Libre pa ang alak at natitikman pa niya ang mga babaing kursunada niya.
Wala na rin sa kanya ang himas at hipo ng mga bading. Nakasanayan na niya. Ngunit mas pinipili pa rin niya ang babaing costumer hangga’t maaari. Pangit man ito o matanda basta may pera ay talu-talo na.
Bukod sa mga nakakasama niya sa VIP ay may ilang regular costumer siya, tulad ni Mrs. Sison. Madalas siya nitong tawagan at papuntahin sa condo nito. Tulad ngayon.
Sumakay siya ng taxi at nagpahatid sa condo ng matrona. Ayaw sabihin ni Mrs. Sison ang edad, ngunit sa pagtataya ni Arnald ay nasa 55 anyos na ito pataas. Hindi lang gaanong halata dahil mapustura at marunong mag-ayos sa sarili. Maputi at makinis pa naman kahit medyo may mga lumilitaw ng ugat sa hita at binti. Ang dibdib ay buo pa rin at hindi laylay dahil nagparetoke ito.
Sobrang init sa kama ng matanda. Ngunit madaling lambingin si Mrs. Sison. At may pangako ito kay Arnald. Kapag marunong na raw magmaneho ang binata ay bibigyan siya ng kotse. Ipinakita na nito sa kanya ang isang medyo lumang modelo ng sedan ngunit maganda pa rin na magiging kanya.
Pagpasok ni Arnald sa condo ay nalanghap kaagad niya ang kakaibang pabangong humahalimuyak. Iba’t ibang pabango ang ginagamit ni Mrs. Sison. Depende sa kung anong mood ang trip nito. Minsan ay forest scent kung trip nitong maging Tarzan at Jane sila. Hindi nauubusan ng gimik ang matandang ito. Sadyang dinidekorasyunan nito ang kuwarto ng mga palamuting aangkop sa gusto nitong mood. Minsan ay sea scent naman kung ang trip nito ay maging sirena at siyokoy naman siya.
Ngayon ay sobrang macho ang pabangong nalalanghap ni Arnald. Medyo amoy kalawang na hindi mawari. Nang pagbuksan siya ng katulong na si Rose ay sumilay ang pilyang ngiti nito tulad ng dati.
“Kanina ka pa niya hinihintay,” sabi ni Rose sa kanya.
“Trapik, eh,” pagdadahilan niya. “Ano ba’ng motif ngayong gabi?”
Humagikhik si Rose. Matagal na ito kay Mrs. Sison at alam na nito ang lahat ng trip ng amo. “Nasa dressing room ang costume mo.”
“Ikaw... kailan ba kita matitikman?” biro ni Arnald kay Rose. May itsura kasi ang katulong. Maputi at bata pa.
“Heh, tigilan mo ako. Hindi ako kasinglibog ng amo ko!” Pagkasabi niyon ay tumalikod na ito patungo sa sariling quarter. Sinundan ni Arnald ng tingin ang katulong. Gigil na gigil siya sa bilugang pang-upo nito na kahit pa nakatago sa loob ng uniform nito ay alam niya na may itinatagong kinis dahil maputi ang binti.
At habang nagpapakipot si Rose ay lalo itong nagiging hamon sa kanya. Maamo kasi ang mukha nito. May hawig kay Lovi Poe, at matangkad. Mga katangiang hanap niya sa isang babae. Ngunit high school lang ang natapos ng dalaga sa probinsiya.
Sa loob ng dressing room ay nagpalit ng costume si Arnald. Punk at may pagka-rock star ang motif. Leather at kulay itim ang ilang gamit tulad ng mga napapanood niya sa sine. May mga tila kadenang bracelet at kung anu-ano pa. Pagkatapos magpalit ay dumiretso na siya sa silid ni Mrs. Sison. Nasa pent house lang sila. Pangdalawampu’t limang palapag iyon ng building na pag-aari mismo ni Mrs. Sison. Pamana ng yumaong asawa. Mag-isang naninirahan doon ang biyuda dahil ang kaisa-isa nitong anak ay nasa America raw. Hindi umuuwi ng Pilipinas dahil hindi in good terms ang mag-ina.
Nang pumasok si Arnald ay malamlam ang liwanag sa loob ng maluwang na silid. Pumapailanlang ang mga heavy metal na musika. Hinagilap ni Arnald ng tingin kung nasaan ang biyuda. Nasa isang bahagi ito ng pinaka-mini bar. Halatang umiinom. Naka-black fitted short pants ito at bra. Black leather costume na parang get up ni Catwoman, at naka-maskara pa.
“You are late, handsome...” pagaril na salubong nito kay Arnald. “What can you say about our motif?”
“Maganda. Kakaiba uli.”
Humalakhak ang matanda nang tila nanunukso.
ITUTULOY