Skip to main content

Puri o buhay?

January 30, 2016

PINANINIWALAANG nanlaban sa rapist na suspek ang isang ginang dahilan upang pagsasaksakin siya nito matapos salisihan ang asawa nito na nagtungo ng bukid. Naganap ang insidente kamakailan sa Monreal, Masbate.

Kinilala ang pinaslang na ginang na si Alicia Galabayo, 31, na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na na­ging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente nang salisihan ng suspek ang mister ng biktima na noon ay nagtungo sa bukid.

Posibleng tinangka umanong gahasain ng suspek ang nagpapahi­ngang ginang subalit nanlaban ito dahilan upang pagsasaksakin ito hanggang sa mamatay.

Lumalabas din na wala namang nawalang anumang gamit sa bahay ng biktima kaya panggagahasa talaga ang posibleng motibo ng suspek sa ginang.

Hustisya naman ang sigaw ng mister ng biktima kasabay ng pakiusap nito sa mga kapitbahay na posibleng nakakita sa suspek na kung maaari ay isiwalat kung may nalalaman sa krimen.

EDITOR’S TAKE:

Walang perfect crime. Malalaman din kung sino ang salarin sa takdang panahon.