Skip to main content

Putok ng baril sa nakaririnding bunganga ng misis

February 13, 2016

NAGING madugo ang pagdiriwang ng “Araw ng mga Puso” ng isang mag-asawa makaraang pagbabarilin at mapatay ng pulis na mister ang kanyang misis sa gitna ng mainitang pagtatalo sa Davao City nitong Pebrero 12 ng madaling-araw.

Idineklarang dead-on-arrival sa San Pedro Hospital ang biktimang si Lorna Abacan Adug sa tinamong apat na tama ng bala sa likuran at kanang bahagi ng katawan gayundin sa kanang hita.

Pinaghahanap naman ang tumakas na mister na si PO3 Arvin Adug, 38 anyos, nakatalaga sa Davao del Sur Provincial Public Safety Company.

Sa ulat ng Davao City Police, naitala ang krimen sa harapan ng Net Express Café sa kahabaan ng Sta. Ana Avenue, Davao City dakong ala-1:50 ng mada­ling-araw. Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa hinggil sa kanilang problema sa relasyon. Nang marindi ang nasabing parak ay binunot ang baril nito at pinaputukan nang sunud-sunod ang misis na duguang lumugmok sa kalye.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek habang narekober sa pinangyarihan ng krimen ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives team ang mga bala ng cal. 9mm caliber na isasailalim sa ballistic exa­mination.

EDITOR’S TAKE:

Kung may problema sila sa relasyon, mukhang ang publiko naman ang may problema sa pulis na masyadong trigger happy. Paano niya poprotektahan ang publiko kung sariling misis niya ay kayang-kaya niyang patayin?