Skip to main content

Relasyon kay Mich itinanggi ng aspiring singer

ITINANGGI ng aspiring singer na si Neo Domingo na may relasyon na sila ng YouTube sensation na si Mich Liggayu ng sikat na “JaMich” love team. Matatandaang kamakailan lang ay pumanaw ang kasintahan ni Mich na si Jam Sebastian dahil sa lung cancer.

Bago ang pagkakasakit ni Jam at ang pagpanaw nito ay sikat na sikat ang “JaMich” sa YouTube dahil sa kanilang mga nakakakilig na romantic videos.

Na-ridicule naman sa social media si Mich dahil madali diumano itong naka-move on matapos pumanaw si Jam—at nai-involve nga kay Neo.

Kamakailan ay nai-post ni Neo sa kanyang Facebook fan page ang ganito (unedited): "WALA NA AKONG MAGAGAWA sa mga taong walang alam sa katotohanan at naniniwala sa mga peke at malisyosong blogs at tsismis.

"Mas marami akong mas mabuting dapat pagtuunan ng pansin. And for the record, hindi kami ni Mich. Hindi naging kami at magiging kami kailanman. #‎SigeLangTsismisPa ‪#‎GoodFriday."

Nagkasama sina Mich at Neo sa isang short film na may pamagat na "Classmates" at nai-upload sa JaMich official YouTube channel noong December 2013.

Unang kumalat ang diumano’y relasyon nina Mich at Neo sa social media noong lumala na ang sakit ni Jam. Pumanaw ang huli noong March 4.

Ayon pa kay Neo, ang napabalitang relasyon diumano nila ni Mich ay simpleng kaso lang ng “misinterpretation”. Nagpahayag din siya ng suporta kay Mich at sa pamilya nito dahil sa pinagdaraanan ng dalaga.

Bago ang pagkakasakit ni Jam ay maituturing na pang-forever ang relasyon nila ni Mich.

Una namang nakatikim ng batikos si Mich dahil sa isang video kung saan masayang kumakanta siya at ang mga kaibigan habang nasa loob ng hospital room ni Jam noong naka-life support pa ang pumanaw na kasintahan—na para sa mga nakapanood ay hindi magandang tingnan dahil dapat ay nasa tabi siya ni Jam at pinalalakas ang loob nito.

Wala pang komento, as of this writing, si Mich sa naging pahayag ni Neo.

EDITOR’S TAKE:

Hindi maiiwasan ni Mich na makatikim ng pamba-bash mula sa publiko lalo na sa social media. Sa mga sumubaybay sa relasyon nila ni Jam—at sa kanilang mga videos—na rin, ay para bang hindi sila mapaghihiwalay kahit ng kamatayan.

Marahil, ang hinahanap sa kanya ng publiko ay ang tipikal na larawan ng isang nawalan ng minamahal—malungkot, umiiyak at laging nasa harap ng puntod ni Jam. Iyon kasi ang karaniwang senaryo.

Hindi rin naman masisisi si Mich kung iba ang paraan niya ng pagmo-move on. Remember, marami rin naman siyang nailuha at naging lungkot mula nang magkasakit si Jam. It’s her life anyway—at alam niya kung paano gagamutin ang mga sugat ng kanyang mga pinagdaanan. Maaaring nagsasaya siya, but we believe na deep inside her ay naroon pa rin ang kirot sa pagkawala ni Jam.

Nakakatuwa naman na hindi sinakyan ni Neo ang sitwasyon for his own personal gain. Ngayong tinuldukan niya ang diumano’y relasyon nila ni Mich, nasa mga bashers na lang ang desisyon kung patuloy pa rin nilang ihe-hate si Mich.

We love to hear more from Mich. Maaaring nasaktan din ang pamilya ni Jam sa mga naging kaganapan matapos mamayapa ang binata. At tanging ang matapat na mga pahayag lang mula kay Mich ang magbibigay ng comfort sa mga kapamilya ng kanyang dating boyfriend.