Skip to main content

Selosong mister tinapos si Misis

MATINDING selos ang dahilan kaya nabaril ng isang mister ang kanyang misis sa bibig sa loob mismo ng kanilang bahay sa La Trinidad, Benguet noong Abril 22 ng gabi.

Kinilala ang napatay na si Marilou Quimoyog, 40 anyos. Naaresto naman ang suspek na si Arnold Quimoyog na sinasabing nasa impluwensya ng alak nang isagawa ang krimen.

Sa police report na isinumite kay P/Chief Insp. Radino Belly, hepe ng La Trinidad PNP, lango umano sa alak nang umuwi ang suspek. Nang nasa loob na ng bahay, kinumpronta nito ang kanyang misis kaugnay sa kumakalat na tsismis na  may kalaguyo ito.

Itinanggi naman ng biktima ang akusasyon ng mister kaya humantong iyon sa mainitang pagtatalo. Binugbog pa umano ng mister ang kanyang misis sa harap mismo ng kanilang mga anak.

Matapos bugbugin ay ttinutukan ng mister ng hawak na baril ang kanyang misis. Sa sobrang takot, isa sa mga anak ng mag-asawa, ang 14 anyos na lalaki, ang nagtatakbo palabas ng bahay para humingi ng saklolo.

Tiyempong nakasalubong nito si SPO2 Anthony Lang-anakan, na kaagad namang rumesponde sa bahay ng mag-asawa.

Pinasusuko ni SPO2 Lang-anakan ang suspek habang kumakatok sa pinto ng bahay nang umalingawngaw na ang putok ng baril ng suspek. Tumama ang bala sa bibig ng biktima.

Dito pa lang nabuksan ang pinto at naaresto ang suspek. Hawak na ito ng pulisya para sa imbestigasyon at sasampahan ng karampatang kaso.

EDITOR’S TAKE:

Nakabubulag ang selos at nakamamatay. Kung may isyu sa pagitan ng magkarelasyon, dapat ay pinag-uusapan nang mahinahon. Again, ang kawawa lagi sa ganitong sitwasyon ay ang kanilang mga anak.