Skip to main content

Tinangay ng FB follower?

January 31, 2016

NAGLAHONG parang bula ang isang 13 an­yos na dalagita sa Cavite matapos magpaalam na magpapa-load lamang sa tindahan noon pang Enero 4 ng kasalukuyang taon.

Kinilala ang nawawa­lang dalagita na si Zichri “Thaya” Mendoza ng Trece Martires City, Cavite, na umano’y hu­ling nakita na kasama ang masugid nitong Facebook follower na si Jomarie Ruiz, 21 anyos, residente umano ng Parañaque City.

Kasamang naglaho ni Thaya ang humigit-kumulang sa P100,000 na laman ng ATM na nakalagay sa kanyang pitaka at pag-aari ng kanyang mga magulang. Nabatid na nai-withdraw ang pera sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Trece Martires City at Dasmariñas City, Cavite.

Batay sa mga kaanak ng nawawalang dalagita, kinumpirma nilang nakilala ni Thaya ang suspek na si Ruiz sa FB account nito, at palagi umanong nagpapadala ng message sa dalagita at iniengganyo ito upang magkita sila nang personal bago pa man ito nawala.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group sa Cavite ang naturang kaso at nag­laan na rin ng kaukulang pabuya sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng dalagita.

EDITOR’S TAKE:

Sana ay wala pang nangyayaring masama sa dalagita, at sana’y makita na agad siya. Nasa edad na ang kanyang FB follower kaya sana ay makita rin agad ito at matanong ukol sa insidente bagaman at ngayon ay dapat na itong ituring na suspek.