Skip to main content

Umawat sa away ng mag-asawa, kritikal

February 11, 2016

KRITIKAL ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng kanyang tiyuhin makaraang umawat ang biktima sa away ng suspek at ng asawa nito, madaling-araw ng Pebrero 8 sa Caloocan City.

Isinugod sa Caloocan City Medical Center ngunit inilipat din sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil kritikal ang biktimang si Alfredo Tio, 30, bodegero at residente ng DM Compound, Brgy. 73 ng naturang lungsod.

Nadakip naman ng mga tauhan ng Police Community Precinct 2 ang suspek na si Marcos Tio, 49, residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng pulisya, nagising ang biktima dakong alas 12:30 ng madaling-araw dahil sa mainitang pagtatalo ng tiyu­hin na si Marcos at ng misis nito sa loob ng kanilang bahay.

Nang pumagitna at umawat si Alfredo, dito lalong nag-init ang ulo ng suspek na nagbunot ng patalim at sinaksak ang biktima sa baba, kaliwang bahagi ng dibdib at sa kaliwang braso.

Habang nagaganap ang pagtatalo, tumawag sa pulisya ang saksing si Ernie Aguilar kaya mabilis na nakaresponde ang mga tauhan ng PCP 2  at nadakip ang suspek.

EDITOR’S TAKE:

Pag away ng mag-asawa at gusto nating makialam, mas mainam na sa barangay ipagbigay-alam kaysa personal tayong umawat.