Skip to main content

Umiwas sa carbs, na-in love!

NOONG May 2008 ay sumailalim si Bill Anderson, 44, sa “bariatric surgery” sa Henry Ford Wyandotte Hospital sa Michigan. Ang ganitong operasyon ay isinasagawa upang makontrol ang pagtaba ng isang tao dahil hindi sosobra ang kanyang food intake. Mula sa timbang na 459 lbs ay unti-unti siyang pumayat at naging 250 lbs na lamang.

Ayon sa ulat ng Detroit Free Press, sumailalim sa katulad na operasyon si Crysta Danaher, 34, noong March 2009 at nabawasan naman ng 180 lbs ang timbang nito.

Sabay sila kung mag-attend sa support group ng ospital matapos ang kani-kanilang operasyon. Hindi nagtagal, hindi lang timbang ang natanggal sa kanila kundi maging ang kanilang single status—dahil nagpakasal na sila.

"We were friends first," salaysay ni Crysta sa Free Press. "My mom knew him first and always said, 'I wish you'd meet a guy like Bill.' He grew on me. I guess I grew on him, too."

Nagkakilala sina Bill at Crysta sa Multi Purpose Room A ng ospital kung saan nagbabahagi sila ng kanilang mga naging problema noong matataba pa sila. Dito sila nagsimulang maging close.

Nag-propose si Bill kay Crysta sa ginanap na New York City Marathon. Ikinasal sila sa sharing room ng ospital, at ang kanilang yoga instructor na nag-aasikaso ng kanilang slimming exercises ang nagbasbas sa kanila.

Nangako naman ang dalawa na bukod sa magsasama sa hirap at ginhawa ay mananatiling magkakaroon ng healthy lifestyle. Iiwas din daw sila sa carbohydrates at maghahati sa pagkain kapag magde-date sila para hindi na tumaba uli.

"We're a cheap date," biro pa ni Crysta sa panayam.

EDITOR’S TAKE:

Kung laging magkasama ang isang babae at isang lalaki na may iisang goal, sooner or later ay posible talagang ma-develop. Iyon ang nangyari kina Crysta at Bill. Hindi na rin nila kailangang maghanap pa ng support group para sa kanilang health issues dahil natagpuan na nila iyon sa isa’t isa.

Ang cute sa balitang ito, determinado silang maitawid ang pagiging health conscious hanggang sa estado na mag-asawa na sila. Dahil dito, sakali mang magkaroon sila ng mga anak ay alam na nila kung paano ang mga ito palalakihin nang hindi na pagdaraanan ang naging weight problem nila.