Skip to main content

Zanjoe Marudo wala pang nililigawan matapos ang breakup kay Bea Alonzo

January 24, 2016

HINDI na nagulat ang movie press nang finally ay aminin ni Zanjoe Marudo na nagkahiwalay na sila ni Bea Alonzo. Anyway, abala ngayon ang aktor para sa teleseryeng “Tubig at Langis” at kahit may pinagdadaanan ay hindi naman daw siya naging malungkot habang ginagawa ang bagong proyekto. 

“Masaya sa set namin, eh. Kahit mabigat ‘yung istorya pero pag hindi na namin ginagawa ‘yung eksena ay masaya kaming lahat. May caterer kami na laging nagpapasaya sa akin, si Ate Nads (Montenegro). Kung ano ‘yung paborito kong pagkain, nando’n. Si Archie (Alemania) na maraming laman ‘yung cellphone na scandal,” natatawang kuwento ni Zanjoe.

Wala pang bagong karelasyon ngayon ang binata pero nasa tamang edad naman daw siya upang makakilala ng bagong mamahalin. 

“Siguro sa edad kong ito, alam ko na siguro kung ano ‘yung tama at mali at kung sino ang dapat para sa akin. Parang hindi naman na ako pagsasabihan o papayuhan ng parents ko kung sino ang para sa akin. Siyempre, bilang mga magulang, kung sino ang mahal ko ‘yun ang mahal nila,” paliwanag ni Zanjoe.

Naniniwala rin daw ang aktor sa ‘second chance’ pagdating sa pag-ibig. 

“Naniniwala ako sa second chance, sa third chance, fourth chance, marami. Lahat naman ng tao kailangan ng chance, di ba? Kailangan ng pangalawa or kahit ilan pang pagkakataon,” pahayag pa ni Zanjoe.

EDITOR’S TAKE:

Mukhang nasa moving on stage na si Zanjoe, at tila wala nang second chance naman sa kanila ni Bea batay sa kanyang mga pananalita.