Maalaala Mo Kaya: Three Red Roses
Read This Book Online
By
Print Publisher
ISBN:
Dear Charo, Isang maligayang pagbati sa iyo at sa buong staff sa pangalan ng panginoon! Ako po ay masugid ninyong tagasubaybay. Dalaga na ako nang simulan ninyo sa telebisyon ang TV program na “Maalaala Mo Kaya.” Humaling na humaling ako sa magagandang istorya ng MMK kaya kahit mayroon akong exam ay hindi ko mapaglabanang hindi manood. Hanggang ngayon po na mayroon na akong trabaho ay ganoon pa rin ang hilig ko—nakalaan ang oras ko sa inyong programa tuwing gabi kapag araw ng Huwebes. Kagaya ng marami ninyong suki, isa rin po ako sa mga unang-unang natuwa nang mag-branch out kayo sa pocketbook. Isa ako sa unang tumangkilik agad sa panibago ninyong venture na ito sapagkat nakita kong kakambal pa rin nito ang matapat ninyong hangarin na makapagbigay ng aliw sa inyong mga mambabasa. Hindi lang nakaaaliw ang mga kasaysayang inilalathala ninyo, Charo. Nagbibigay-aral din. Nagbibigay ng liwanag sa mga taong pinagdirimlan ng isip. Ang akala ko noon magiging ordinaryong tagasubaybay na lamang ako. Hindi ko akalain na isang araw ay maiisipan ko ring ipadala ang aking kasaysayan. Na-excite ako sa ideyang mababasa ko sa pocketbook ang aking karanasan. Bunso po ako sa tatlong magkakapatid pero lumabas na parang nag-iisang anak. Namatay ang dalawang sinundan ko bago pa sila nakatuntong sa paaralan. Nakapanghihinayang, pero iyon ang kalooban ng Panginoon, sabi ng aking mga magulang. Gayon kamaka-Diyos ang mga magulang ko, Charo. Tumanim sa isip kong lahat ng bagay ay nangyayari dahil kalooban ng Diyos. Lahat daw, Charo. Lahat. Magdidisinuwebe anyos ako nang datnan ng isang mabigat na pagsubok. Namatay ang itay ko nang ma-hit and run ng isang walang puso. Doble-doble ang sakit na dulot niyon sa akin. Nawalan na ako ng ama nawalan pa ako ng pag-asa sa buhay sapagkat hindi na ako makapagpapatuloy ng pag-aaral. Naitanong ko noon sa Diyos, “Kalooban pa rin ba Ninyo ito?” Tunghayan po ninyo ang buo kong kasaysayan...