My Pretty Photobomber (Part 2)
Ni KC CORDERO
(Ikalawang labas)
NAGMAGANDANG-ARAW si Storm sa chairman.
Nagpakuha ito ng isa pang silya sa tanod na nakikiusyoso sa kanila. Pinaupo siya. Nasa pagitan siya ng dalaga at ng ale. Napasulyap siya sa aso, masama ang tingin nito sa kanya, nakalabas ang mga pangil at bahagyang nag-“grrrr!”. Mukhang natandaan na siya ang nanakit dito kanina.
“May reklamo sa iyo itong si miss,” sabi ng chairman at itinuro ang dalaga. “Muntik mo na raw pinatay ang aso niya.”
Naman, ani Storm sa sarili. Para nasipa lang niya nang di naman ganoon kalakas, papatayin na agad-agad?
“Hindi po, Chairman Gerry,” aniya na isinama ang pangalan ng opisyal na para ba silang close. “Iniusod ko lang po ng paa ko kasi iniihian ang gulong ng kotse ko.”
“Sinungaling!” sa pagkagulat niya ay biglang sigaw ng dalaga na nasa may kaliwa niya. Nakaduro na naman ang hintuturo nito. “Papatayin mo talaga si Sam! Kitang-kita ng tita ko!”
So, tiyahin pala nito ang ale.
Gusto na agad niyang matapos ang argumento. Nagyuko siya ng ulo.
“Sorry, madam...” aniya sa dalaga sa mababang boses. Lumingon siya sa aleng mayhawak sa aso. “Pasensya na rin po, inang.” Tumingin siya sa chairman. “Sorry din, Chairman... hindi na po mauulit. Promise po.”
Dumuro uli ang dalaga, malapit na malapit sa mata niya. “Kita mo na! Inamin mo rin na gusto mo talagang patayin si Sam! Idedemanda kita! Irereklamo kita sa PAWS!”
Nagsalita ang chairman. “Kalma, miss...” anito. “Kalma lang. Narito tayo para ayusin ang problema. Nagso-sorry naman itong tao, baka puwedeng maayos na natin. Ang totoo, e, hindi talaga dapat naiihian ng mga aso ang gulong ng mga sasakyan dahil mabilis mabulok. Dapat ay may tali ang aso mo para napipigilan pag iihi sa gulong, hindi ‘yang ganyan na alpas lang.”
Nakahinga nang maluwag si Storm. Lihim siyang natuwa na politically correct pala ang kanilang chairman.
Natahimik naman ang dalaga pero ang mukha nito ay nakasimangot pa rin.
“Baka puwede na kayong magkamay,” ang chairman.
Humalukipkip ang dalaga. “Ganoon na lang po ba ‘yun, Chairman? Muntik na niyang pinatay ang aso ko tapos magkakamay lang kami? Bati na. happy ending na? No way!” Mataas pa rin ang tono nito.
Naikamot ng chairman ang hintuturo sa sentido nito na parang nama-migraine. Tumikhim.
“Miss, sa barangay kasi ay talagang sa pagkakasundo lang nauuwi ang mga disputes. Hindi kami puwedeng magparusa. Pag hindi tayo nagkaayos dito, puwede mo siyang kasuhan sa korte kung gusto mo. Kung gusto mo lang naman. Medyo magastos nga lang ang proseso. At malaking abala.”
Natigilan ang dalaga bagaman at naniningkit pa rin ang mga mata sa galit.
“Okay, no problem,” anito. “Huwag na lang sanang mauulit!”
Nakahinga muli nang maluwag si Storm. Maging ang chairman ay umaaliwalas na ang mukha.
“Magkamay na kayo,” ang chairman.
Inilahad ni Storm ang kamay sa dalaga. “Sorry,” aniya.
Humalukipkip uli ang babae. Hindi inabot ang kamay niya. “Huwag ka sa akin makipagkamay.”
“K-kanino?” takang tanong niya.
“Kay Sam. Mag-sorry ka rin sa kanya.”
Naalala niyang nabanggit nito kanina na “Sam” ang pangalan ng doggie nito. Napatingin siya sa Jack Russell Terrier na mabibilis ang ginagawang paghinga sa kandungan ng tita ng dalaga at parang pagud na pagod. Nakalawit pa ang dila habang parang hinihingal. Napatingin ito sa kanya at bahagyang nag-growl nang magtama ang mga paningin nila. Medyo naglabas uli ng pangil.
Kinabahan siya. “B-baka kagatin ako niyan.”
“Mabait ‘yan,” ang dalaga.
Hinawakan ng tita ng dalaga ang kanang paa sa unahan ni Sam at itinaas palapit kay Storm. “O, shake hands na raw kayo ng mama.”
Trained naman pala, naisip ni Storm. Kahit awkward, inabot niya ang paa ni Sam. Hindi niya alam kung paano tatawaging “shakehands” ang pagtatagpo ng kamay niya at ng isang paa nito sa unahan.
Sa pagkagulat niya, bigla itong tumahol nang malakas!
At sa pagkagulat naman ng dalaga, ng tita nito, ng chairman at ilang tanod na nakikiusyoso—at maging ni Sam—napatili si Storm!
Tili na parang isang bading na nakakita ng daga. Ipit na ipit sa lalamunan ng binata ang pinakawalang shriek!
Ang lakas ng naging tawa ng dalaga! Tumahul tuloy nang tumahol si Sam.
Pinilit ni Storm na i-compose ang sarili pero huli na. Nakanganga si Chairman Gerry habang nakatingin sa kanya at tila nagdududa sa kanyang pagkalalaki.
Hindi naman matapus-tapos ang tawa ng dalaga na ngayon ay hawak na ang tiyan, na sa sobrang tuwa ay para bang nakasaksi ng isang very funny na eksena sa isang comedy film.
May air-conditioning unit ang opisina ng chairman at malamig ang lugar, pero pinagpawisan nang malapot si Storm.
Sa hiya...
**
HINDI na matandaan ni Storm kung paano sila nagkaayos ng dalaga. Nawala na siya sa huwisyo matapos siyang “mapatili” kanina. Kung bakit naman kasi ang aso na iyon, kung kailan nahawakan niya ang paa ay saka tumahol nang ubod-lakas kaya nagulat siya.
First time nangyari iyon sa kanya kaya hindi siya maka-move on. Noon niya na-realize na pag nagugulat pala kahit ang mga astig na gaya niya, hindi maiiwasang mapatili at ipitin sa lalamunan ang boses na parang isang baklang parlor.
Napailing siya.
Paano na ngayon ang reputasyon niya?
Tiyak na iniisip ng mga nakasaksi kanina na isa siyang Darna.
Naalala niya ang dalaga. Napangiti siya.
Ang ganda nito lalo na pag nagtataray. Medyo matangkad na seksi. Ang katawan at legs ay tila noong medyo bata pa si Toni Gonzaga, samantalang ang mukha ay hawig kay Jessy Mendiola.
Napakagandang nilikha...
Mahusay itong pumorma at bagay sa age nito na sa tingin niya ay hindi pa lumalampas sa twenty years old. Naka-top tank na white ito kanina at pang-ibaba na colored pink na ginagamit sa pagwo-workout kaya lalong naka-emphasize ang pagiging sexy. Nang salakayin siya nito kanina at hatawin ng plastic bat, para itong si Jennifer Lawrence sa The Hunger Games.
Napatingin siya sa brasong hinataw nito. Mapula pa rin iyon. Hmm, mukhang mas may karapatan yata siyang magreklamo sa barangay kaysa rito, naisip niya. Physical assault ang ginawa nito sa kanya.
Hinipo niya ang namumulang bahagi ng braso. Medyo makirot iyon. Pero mas masakit ang kanyang bruised ego dahil sa pagkakatili niya kanina.
What a day, naisip niya. Plano pa naman sana niyang maglaba pero bigla siyang tinamad.
SUBAYBAYAN!