Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 1)

Sinulat ni KC CORDERO

(Unang labas)

NAGPILIG muna ng buong katawan ang cute na cute na aso na sa porma ay obvious na isang Jack Russell Terrier. Kamukha iyon ng aso ni Manny Pacquiao na laging kasa-kasama ng Pambansang Kamao kapag may training. Ganitong breed din ang asong nawawala sa isang commercial, na nakabalik sa bahay matapos maamoy ang nilulutong tinola ng amo. Ang aso sa isang TV episode kung saan naging bida si Kathryn Bernardo. Ito rin ang aso sa pelikulang “The Mask” ni Jim Carrey. Pero kahit gaano ka-cute at ka-lovable ang nasabing aso, nakaramdam ng pagkapikon si Storm habang minamasdan ito.

Ilang beses umikut-ikot ang aso malapit sa gulong ng nakaparadang Volkswagen. Itinaas ang paa at umihi sa gulong. Pagkatapos ay sa isa pang gulong bago patakbong umikot uli habang ikinikiskis ang mga paa na para bang nagdiriwang dahil “success” ang ginawa nitong pag-jingle.

Naningkit ang mga mata ni Storm sa galit! Natiyempuhan din kita, aniya sa isip. At bago nakapagharot na muli ang cute na aso ay nalapitan na niya ito at nabigyan ng isang tadyak.

Aringking sa sakit ang Jack Russell Terrier!

“Huwag po!” sigaw ng isang ale at maliksing dinampot ang aso. Niyakap ang kawawang nilalang na halatang nasaktan.

Mainit na ang ulo ni Storm, pero nang makita niya na isang middle-aged na ale na pala ang may-ari ng aso ay nagpakahinahon siya.

“Pasensya na po pero ang aso n’yo pala ang laging umiihi sa mga gulong ng kotse ko,” hingi niya ng paumanhin dito. “Next time, dalhin n’yo sa lugar na walang mga sasakyan at doon ninyo paihiin. Mabilis pong makasira ng rim ang ihi ng ayos. O kaya talian n’yo para nahihila n’yo pag iihi sa mga sasakyan.”

Hindi kumibo ang matandang babae at umalis na. Binuksan ni Storm ang pinto ng Volks at kinuha ang natira niyang mineral water kahapon. Ibinuhos niya iyon sa mga gulong na inihian ng aso. Bukas ay magpapa-carwash siya para tuluyang malinis iyon.

“Mahirap talaga ang walang sariling garahe,” bulong niya sa sarili habang nagmamaneho paalis sa kanilang lugar.

Walang kamalay-malay si Storm, ang insidenteng iyon ang babago sa buhay niya!

**

MAGLALABA dapat siya nang araw na iyon dahil day-off niya, pero nagpasaklolo sa kanya si Aria—as usual. May importanteng lakad daw ito at baka puwedeng samahan niya. Sanay na siya sa mga ganoong pang-aabala ng dalaga. Actually ay hindi naman talaga ito magpapasama sa kanya. Iyon lang ang term na ginagamit nito. Ang totoo ay magpapahatid lang ito kung saan man nito gustong pumunta—within Metro Manila of course. Nasanay kasi ito sa kanya. Or rather, sinanay niya.

Wala siyang magagawa. Mahal niya si Aria. At masaya na siyang napaglilingkuran ito.

Saglit pa ay nasa tapat na siya ng bahay ng dalaga. Bumusina siya. Nagmamadaling lumabas ito, maraming dala-dalahan kabilang ang isang malaking backpack. Ito na ang nagbukas ng pinto ng passenger seat at isinalya sa upuan sa likod ang mga dala-dalahan. Naupo ito at isinara ang pinto.

“Sa NAIA tayo,” anito habang pumipindot sa cellphone.

Napabuntunghiningang iniabante ni Storm ang Volks. Parang taxi driver lang ang turing sa kanya, naisip niya. Ni walang hello. May kausap na agad si Aria sa telepono.

Sa takbo ng usapan ay naunawaan ni Storm na papuntang Boracay ang dalaga kasama ang ilang girl friends. Kung sinu-sino ang tinawagan nito hanggang sa makarating sila sa airport. Ni hindi sila nakapag-usap man lang. Kahit nang bumaba ito ay nasa tainga ang cellphone. Tinapik lang siya sa balikat at nag-thumb’s up. Binaril naman niya ito ng hintuturo. Iyon ang gesture niya rito para ipaalam dito na he’s alright.

Hindi na niya nakita nang pumasok sa loob si Aria dahil itinaboy na siya ng airport security. Tinugpa niya ang pabalik sa kanila.

Saglit pa, nagpa-park na siya sa same spot sa kanilang kalye. Eksaktong naisara niya ang pinto, nagulat siya sa narinig sa bandang likuran niya.

“Hayop ka!” pasigaw na boses ng isang babae sa may likuran niya.

Napalingon si Storm.

At nabigla siya sa nakita!

Pasugod sa kanya ang isang maganda at seksing babae na may hawak na baseball bat. Kasunod nito ang ale kanina na kumarga sa asong sinipa niya. Bago siya nakaiwas, hinataw siya ng seksing babae!

Udyok ng self defense, sinangga niya ng braso ang baseball bat habang napasigaw naman ang ilang nakasaksi. Inakala ni Storm na wasak tiyak ang braso niya sa ginawa niyang pagsangga, pero sa halip ay sumabog ang baseball bat!

Hard plastic lang pala iyon na kulay aluminum.

Nasa harap na niya ang maganda at seksing babae na sa tingin niya ay baka twenty years old pa lang. Ang lapit agad ng hintuturo nito sa mukha niya.

“Bakit mo tinadyakan ang aso ko?” gigil na tanong nito sa kanya. “Bakit?”

Napatingin siya sa ale na nasa likod nito na buhat-buhat pa rin ang aso. Na-realize niyang anak siguro ng ale ang dalagang kaharap niya ngayon at ito ang totoong amo ng aso.

Hindi siya pumapatol sa babae. Atas ng kagandahang asal, bahagya siyang yumuko. “S-sorry... Hindi ko sinasadya...”

Idinutdot ng dalaga sa dibdib niya ang hintuturo nito. “Sinadya mong sipain ang aso ko! Ipaba-barangay kita!”

Umalis na ito kasunod ang aleng may karga sa aso.

Napakibit-balikat na lang si Storm. Dinampot niya ang mga piraso ng plastic baseball bat na nabasag at itinapon sa nakitang basurahan. Dumiretso na siya sa kanyang bahay.

Umiinom na siya ng tubig nang mapansin niyang namumula ang braso na tinamaan ng hataw ng dalaga kanina. Buti na lang at ensayado siya sa gym at may pondo ang laman at masel, kung hindi ay tiyak na papasa agad iyon. Kumuha siya ng yelo, inilagay sa bimpo at idinikit sa namumulang bahagi ng braso. Maya-maya ay namaga na iyon.

Napakislot siya nang may kumatok sa pinto. Binuksan niya. Hindi niya kilala ang lalaki pero halatang isa itong barangay tanod.

“Ikaw ba ‘yung may-ari ng Volks na blue na may stripes na white?” maangas na tanong nito sa kanya.

Kinabahan siya. “Ako nga po? Bakit?”

“Ipinatatawag ka ni Chairman Gerry. May nagrereklamo sa ‘yo,” anito at nagbuga ng usok ng sigarilyo.

Ayaw na ayaw niya ng usok ng sigarilyo dahil allergic siya rito kaya muntik na rin niyang natadyakan ang tanod. Nagtakip siya ng ilong.

“Bakit? Sino’ng nagreklamo?” tanong niya sa tanod.

“E, di pumunta ka sa barangay at nang malaman mo!” pasupladong sagot nito at iniwan na siya.

Inubos niya ang iniinom na tubig at sumunod na sa tanod.

Pagdating niya sa barangay hall ay diretso siya sa pinakaopisina. First time niyang makapasok doon. Nakaupo sa pinakamesa ang sa palagay niya ay chairman. Nakasulat sa kahoy na inukit na lagayan nito ng ball pen ang “Gerry Alanguilan Barangay Chairman.” Kulot na medyo chubby, hindi katangkaran at mukhang suplado na may konting bigote. Late 40’s. Nakaupo naman sa harapan nito ang dalagang humataw sa kanya kanina ng plastic baseball bat, at ang ale—na dala-dala pa rin ang asong sinipa niya.

 

SUBAYBAYAN!