Naging makaibigan sila ni Ancel sa unang taon pa lang nila sa kolehiyo. Sa iisang unibersidad sila nagtapos at pareho pa ang kursong kinuha nila. Madali silang nagkagaanan ng loob kahit na noon ay hindi pa niya alam kung gaano ito kayaman.
Pakiramdam kasi ng Anilov na iyon na hindi siya karapat-dapat na maging kaibigan ng kapatid nito dahil walang pagmamay-ari na ano mang kompanya ang pamilya niya. Wala rin silang ekta-ektaryang lupain. Hindi rin napi-feature sa society page ng mga diyaryo ang pamilya niya. Kung anong bait at anong giliw ni Ancel at ng mama nito sa kanya ay siya namang sungit at suplado ng kuya nitong guwapo nga ay hindi naman marunong ngumiti.