Dear Charo, Itago mo na lamang ako sa pangalang Timmy. Sa kasalukuyan ay nasa ikatlong taon ako sa kolehiyo. Kung tutuusin, dapat ay isa na akong propesyonal, ngunit hindi iyon nangyari. Huminto ako ng nasa ikalawang taon ako ng aking kurso. Hindi iyon dahilan sa problemang pampinansiyal o ano pa man. Sinadya ko lang talagang desisyunan na tumigil muna sa aking pag-aaral upang bigyang-daan ang sa inaakala ko noon ay higit na mas mahalaga sa lahat, ang aking pangarap. Charo, maram ang nagsasabi na may anging talino ako sa pagsayaw – na siyempre ay pinaniwalaan ko. Hindi kasi lingid sa akin ang kasiyahan ng lahat kapag nagsisimula na akong uminddak. Hindi kataka-taka, nang tumuntong ako ng paaralan mula elementary hanggang kolehiyo ay nagging laman na ako ng entablado. Dahilan para patuloy na mahasa ang talentong ibinigay sa akin ng Panginoon subalit hindi ako nasiyahan sa ganoon lamang. Mula sa entablado ng paaralan, tumungala ako sa maaliwalas na langit. Kasunod noon, nangarap ako nang mataas… nang mataas na mataas… Paniwala ko kasi, doon ko matatapuan ang ganap na kaligayahan ngunit iba ang aking natagpuan. Iyon ang ilalahad ko sa iyo, Charo, at sa mga mambabasa ng pocketbook na ito.